Sabado, Hulyo 20, 2024

Munting suporta

MUNTING SUPORTA

suporta na sa kapwa manunulat
ang pagbili ko ng kanilang aklat
upang mabasa kahit di pa sikat
at malasahan tamis nito't alat

talaga namang pinag-iipunan
ang librong ilalagay sa aklatan
sa ganyan ko lang nasusuportahan
ang kahalagahan ng panitikan

minsan, tinitingala ko ang langit
kung ano ang literaturang bitbit
nobela, pabula, tanaga, dalit
o alamat, dagli, kwento ng paslit

minsan, nakakunot ang aking noo
animo'y seryoso, o nagtatampo
ay, nagbabasa lang pala ng kwento
ng hustisya't karapatang pantao

may kwento ng digma't estratehiya
may nobela rin sa chess at taktika
may libro sa klima't aklat pangmasa
masarap ang may aklatan talaga

- gregoriovbituinjr.
07.20.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa laban lang tutumba kaming tibak na Spartan

SA LABAN LANG TUTUMBA KAMING TIBAK NA SPARTAN isang inspirasyon ang Spartan na si Eurytus di ang duwag na Spartan na si Aristodemus ginawa n...