Martes, Hulyo 30, 2024

Yanga at saplad

YANGA AT SAPLAD

napakaliit na bagay lang ito sa marami
subalit para sa akin ito'y sadyang malaki
di madali ang itaguyod ang wikang sarili
upang pagbuhusan ko ng panahong sinasabi

tulad na lang sa nasagutan kong palaisipan
ang PASO pala ay YANGA, ang SAPLAD naman ay DAM
salita bang lalawiganin o may kalaliman
kahit sa munti mang tula'y maging tulay sa bayan

bakit ba pinag-aaksayahan ko ng panahon
ang ganitong salitang animo'y sagradong misyon
sa gawaing ito ba sa hirap makakaahon?
o gawain ng makata'y sa ganyan nakakahon?

tungkulin ng makatang tulad ko ang itaguyod
ang mga ganitong salitang nakita sa krosword
tungkuling pinagsisikapan at kayod ng kayod
at pinagtitiyagaan wala man ditong sahod

marahil, sadyang ganito ang buhay ng makata
hinahawi ang alapaap ng mga kataga
nakikipagbuno sa alon ng mga salita
hagilap ang ginto sa gitna ng putik at sigwa

- gregoriovbituinjr.
07.30.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 29, 2024, pahina 10
* 17 Pababa - Saplad - DAM
* 20 Pababa - Paso - YANGA

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

O, dilag kong minumutya

O, DILAG KONG MINUMUTYA O, dilag ko't tanging minumutya akong sa labana'y laging handa daanan man ng maraming sigwa buhay ko'y i...