Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Ligalig

LIGALIG 

Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO. Hihingi sana ako ng tulong sa PCSO dahil malaki na ang hospital bill sa ospital. Nakaratay si misis doon.

Subalit sabi ng gwardya, wala na ang PCSO roon since pandemic. Nabigla ako.

Saan lumipat, tanong ko. Sa Shaw Blvd sa Mandaluyong. Kaya agad akong lumabas sa Lung Center, sumakay ng dyip hanggang Edsa.

Agad sumakay ng MRT patungong Shaw Blvd. Pagdating sa Manuela na ngayon ay Star Mall, sa terminal ng dyip, tinanong ko sa driver saan ang PCSO. Mga 250 meters lang, pwede mong lakarin.

Ah, kaya hindi na ako sumakay ng dyip. Nilakad ko na lang. Hanggang matanaw ko ang gusaling may malaking nakasulat na PCSO. Pasadong alas-singko na ako nakarating.

Pinadaan ako sa likod ng PCSO, habang may gwardya rin sa harap. Nabigyan ako ng guard ng stub number 4. Ibig sabihin, pang-apat ako sa pila. Sinabi rin ng guard na walang walk-in. Nakupo. walk-in ako. Aba'y dalawang linggo na kaming nag-aabang sa onlayn. Kaya sabi ni misis, pumila na lang.

Alas-otso pa pala ang bukas, kaya higit dalawang oras din akong naghintay. Bago mag-9 ng umaga ay tinawag na ako. Nag-usap kami ng taga-PCSO. Wala munang walk-in, sabi niya. Nilabas ko ang mga dokumento. Tiningnan niya iyon at nagbigay lang ng payo subalit sinabi niyang pulos onlayn na ang transaksyon sa PCSO.

Ikasiyam ng umaga, lumabas na ako ng PCSO. Nilakad ang patungong MRT. Sumakay patungong Cubao station.

Aba'y nakalampas ako ng baba. Hindi ko napansing Cubao na pala. Tumayo ako nang umandar na muli ang tren patungong sunod na istasyon. Nakita ko ang QMart. Kaya nakalampas nga ako. Bumaba na ako sa GMA-Kamuning station.

Sumakay muli pabalik ng Cubao. Pagdating ng Cubao ay sumakay ng dyip pabalik sa ospital.

Marahil kaya ako nakalampas ay ligalig na ako, kaunti rin ang tulog. Paano ba mababayaran ang higit Isang milyong pisong halaga ng hospital bill, gayong pultaym akong tibak. Si misis ang may sweldo bilang social worker.

Dahil ako ang asawa, sa pangalan ko naka-address ang sulat mula sa billing station. Ako ang sinisingil. Sinisingil ay isang pultaym na tibak. Paano ka hindi maliligalig? Buti, hindi ako natatabig ng sasakyan o nabubundol habang tumatawid.

naliligalig, litong-lito na
natutulala, grabe talaga
sa ospital, milyon ang halaga
ng paggamot kay misis, di ko na
alam saan kukuha ng pera

aktibistang pultaym ang tulad ko
kumikilos gayong walang sweldo
nasa ospital pa ang misis ko
mga babayaran ba'y paano
subalit lahat ay gagawin ko

sa PCSO aking nilakad
ang mga dokumentong kinalap
mga ahensya'y puntahang sukat
ligalig at pagod man sa lakad
ay gagawin ko pa rin ang lahat

- gregoriovbituinjr.
11.14.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Akap

AKAP aakapin mo pa ba ang isang sistema kung sagad-sagarin nang mapagsamantala o iyon ay agad-agad mong isusuka tulad ng ayuda para sa pulit...