Lunes, Marso 31, 2025

May mga pangalan ang mga pinaslang

MAY MGA PANGALAN ANG MGA PINASLANG
(Tara, pagtulungan natin upang mabatid ni VP Sara)

wala nga bang pangalan ang mga pinaslang?
tiyak meron, at maraming ina ang luhaan
subalit bigyan natin ng mga pangalan
upang ang bise, pangalan nila'y malaman
si Kian Delos Santos ay isa lang diyan

ina ni Aldrin Castillo nga'y lumuluha
na buhay ng kanyang anak ay iwinala
bagamat di naman ako nakapagtala
subalit ito'y isang hamon sa makata
sandaang ngalan ma'y masaliksik kong sadya

Jonathan Mulos, "Dagul", Dario Oquialda, 
JohnDy Maglinte, Obet Tington, Eugen Llaga, 
Vincent Adia, Carlo Bello Villagarcia, 
Abdulmahid Mamalumpong, Larry Miranda, 
Harriet Barrameda Serra, Noel Ababa,

Renato Cajelo Mariano, Alfredo 
Orpeza, "Yaba", Alfredo Roy Elgarico,
Jeremie Garcia, Emelito Mercado,
Harold Tablazon, Jordan Sabandal Abrigo, 
Basideles Ledon, Remar Caballero, 

Ricky Dinon, Noron Mulod, Larry Salaman,
Jocel Salas, Norman Sola, Victor Lawanan,
Abraham Damil, Christopher "Amping" Cuan, 
Joshua Evangelista, Hernani Tipanan,
Caesar Perez, Edwin Callos, Russel De Guzman,

Marcelo Baluyot, Aldrin Tangonan, Jr.,
Abubacar Sharief, Pablo Matinong Jr.,
Jose Dennis Dazer, Arsenio Guzman Jr.,
Joshua Laxamana, Ricardo Gapaz Jr.,
Antonio Rodriguez, Gener Amante Jr.,

Gilbert Paala, Daniel Lopez, Djastin Lopez,
Franie Genandoy Avanceña, Froilan Reyes,
Roselle Tolentino Javier, Ritchie De Asis, 
Louie Angelo Vallada, Santiago Andres,
Roberto Alejo Silva, Jun Rey Cabanez,
 
kung bibilangin ko'y higit pa lang limampu
ang sa tula'y ngalan ng buhay na naglaho
sa isang patakaran ngang napakadugo
sa paalam dot org pa lang ito nahango
halina't pagtulungang ngalan pa'y mabuo

* pinaghanguan ng mga pangalan ng biktima ng drug war: https://paalam.org/ 
* tula batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, Marso 31, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Walang gutom ang Budol Gang

WALANG GUTOM ANG BUDOL GANG

ang budol ay
panloloko,
panlalansi,
panlilinlang

gamit nila'y 
anong tamis
maasukal
na salitâ

upang kunin
o nakawin
ang anumang
mayroon ka

paano kung
ninakawan
na'y ang kaban
nitong bayan

hay, ang masa
ang kawawa
panlolokong
di halatâ

mandaraya
walanghiya
budol-budol
tusong ulol

walang gutom
ang pusakal
bulsa't mukha'y
anong kapal

ingat kayo
sa budol gang
at labanan
ang budol gang

- gregoriovbituinjr.
03.31.2025

* batay sa ulat sa pahayagang People's Journal, Marso 31, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Manggagawa ang lumikha ng pag-unlad

MANGGAGAWA ANG LUMIKHA NG PAG-UNLAD

habang lulan ng bus ay nakita ko
yaong mga nilikha ng obrero:
ang mga gusaling nagtatayugan
mga tulay, paaralan, lansangan

na pawang ginawa ng manggagawa
maging ng mga kontraktwal na dukha
lumikha ng gusali ng Senado,
Simbahan, Malakanyang at Kongreso

nasaan ang kanilang kinatawan
sa parlamento, sa pamahalaan
bakit pulitikal na dinastiya
yaong mga naluklok, at di sila

Manggagawa Naman! ang aming sigaw
obrerong nagpapawis buong araw
at gabi upang bayan ay umunlad
at bansa ay patuloy na umusad

upang masa'y di manatiling lugmok
upang mawala ang pinunong bugok
upang palitan ang sistemang bulok
sina Leody at Luke ay iluklok

- gregoriovbituinjr.
03.31.2025

#21 Ka Leody De Guzman para Senador
#25 Atty. Luke Espiritu para Senador

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/18pLAckmcr/ 

Rotinaryo

ROTINARYO

ayoko nang magpaabot ng alas dose
upang matulog kundi alas-dyes ng gabi
upang diwa'y maipahinga ng mabuti
pati na puso't katawan upang umigi

pagkat madalas magising ng alas-kwatro
iihi lang, pipikit hanggang alas-singko
di na makatulog at babangon na ako
upang isulat ang isang tula o kwento

kahit paano ang tulog ko'y pitong oras
upang katawan ay makabawi't lumakas
maya-maya, mag-eehersisyo't lalabas
bibili ng dyaryo, pandesal, lugaw, sopas

at pritong isda para sa alagang pusa
ang agahan ko'y pagbabasa ng balita
kung walang lakad, maglalaba munang sadya
kung may rali, sa kalsada na'y nakahanda

sa tula kong ito'y kanilang malalaman
ang rotinaryo ng aktibistang Spartan
kaya kung may pakana sila at gagawan
ako ng masama, madaling madali lang

- gregoriovbituinjr.
03.31.2025

Linggo, Marso 30, 2025

Ang labada ni mister

ANG LABADA NI MISTER

bilin ni misis, maglaba ako
kaya di ko dapat kalimutan 
ang sa akin ay biling totoo
na agaran kong gagawin naman

ang labada'y agad nilabhan ko
panty, bra, blusa, medyas, pantalon
kumot, sweater, kamiseta, polo
punda ng unan, brief, short na maong

bilin niya'y agad sinunod ko
ganyan tayo, di nagpapabaya
di gaya sa komiks ni Mang Nilo
na naging flying saucer ang batya

salamat sa komiks sa Pang-Masa
dyaryong sa tuwina'y binibili
komiks man ay nagpapaalala
kaya sa Pang-Masa'y nawiwili

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

- komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2025, p 7

Meryenda

MERYENDA

meryenda ko'y pandesal at tsaa
habang may naninilay tuwina
na samutsaring paksa ng masa
na sinusulat ko kapagdaka

madaling araw, nananaginip
ngayong umaga'y may nalilirip
mga isyung aking halukipkip
at solusyong walang kahulilip

lipunang makatao'y pangarap
nang dukha'y makaahon sa hirap
na asam na ginhawa'y malasap
at maibagsak ang mapagpanggap

kayrami pang tulang kakathain
mga kwento't isyung susulatin
pati nobelang pangarap gawin
ay palagiang iniisip din

tara, magmeryenda muna tayo
habang nagpapalitan ng kwento
halina, at saluhan mo ako
kahit payak ang meryendang ito

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

Tatlong magkakapatid, magkayakap na nasunog

TATLONG MAGKAKAPATID, MAGKAYAKAP NA NASUNOG

tuwing Marso ay Fire Prevention Month subalit
bago magtapos ang Marso ay tatlong paslit
ang namatay sa sunog nang magkakayakap
kung ako ang ama'y tiyak di ko matanggap

mga batang edad tatlo, apat at anim
ang namatay sa sunog, talagang kaylagim
magkakapatid silang may kinabukasan
subalit tinupok ng apoy ang tahanan

ay, bakit nangyari ang kalagayang ito?
anang ulat, ama't ina'y nasa trabaho
nang magkasunog ikasiyam ng umaga
nang tatlong magkakapatid ay nadisgrasya:

Sachna Lexy, Razan Kyle, at Athena Lexy
doon sa Barangay Mambaling, Cebu City
mga pangalang di dapat makalimutan
paalala sila na ating pag-ingatan

at huwag basta iwan yaong ating anak
nang sila lang sa bahay nang di mapahamak
kung may napag-iwanan lang na responsable
sa komunidad, baka di iyon nangyari

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

* ulat ng Marso 30, 2025 sa pahayagang Bulgar at Abante Tonite, tampok na balita (headline) at pahina 2
* 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗵 was declared as “𝗙𝗶𝗿𝗲 𝗣𝗿𝗲𝘃𝗲𝗻𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗠𝗼𝗻𝘁𝗵” by virtue of Proclamation No. 115-A, s.1966 which promotes consciousness about safety and accident prevention. On the other hand, Proclamation No. 360, s.1989, proclaimed this month as “𝘽𝙪𝙧𝙣 𝙋𝙧𝙚𝙫𝙚𝙣𝙩𝙞𝙤𝙣 𝙈𝙤𝙣𝙩𝙝” that disseminates campaigns on burn prevention and to enhance education in all phases of burn cases. mula sa kawing na https://web.nlp.gov.ph/fire-prevention-month/

7.7 lindol sa Myanmar at Thailand, 1K patay

7.7 LINDOL SA MYANMAR AT THAILAND, 1K PATAY

kayraming gumuhong gusali
nasa sanlibo ang nasawi
sa magnitude seven point seven
na lindol sa Myanmar at Thailand 

dal'wang libo't apat na raan
ang naulat na nasugatan
magnitude six point four aftershock
pa'y talagang nakasisindak

nagpapatuloy pa ang rescue
operation baka may buhay
pang natatabunan ng lupa
o pader ng mga gusali

anumang kaya'y ating gawin
nang mga buhay pa'y sagipin
kung kakayanin, mag-ambagan
nang nalindol ay matulungan

at ipadala sa ahensyang
natalagang magbigay-tulong
tulad sa mga na-Yolandang
buong mundo yaong tumulong

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Marso 30, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 3

Sabado, Marso 29, 2025

Pumatay na ngunit di ikinulong!

PUMATAY NA NGUNIT DI IKINULONG!

grabeng balita, may krimen na naman
dahil sa make-up na di pinahiram?
dahil doon, kaklase na'y pinaslang?
pumatay dahil sa make-up na iyan?

Grade 8, tinodas ng klasmeyt sa klasrum
bakit nga ba nangyayari ang gayon?
nadakip naman ang suspek na iyon
ngunit sa piitan ay di nakulong

hanggang Bahay Pag-asa lang ang bading
dalagitang biktima'y nasawi rin
binully, tinutukan ng patalim
pinagsasaksak ng bading na praning

may mental health problem nga ang kriminal
baka dapat dalhin siya sa Mental
balitang ito'y nakatitigagal
kung ako ang tatay ay mangangatal

mga pamilya'y talagang luluha
kung Mental Health Act ay walang nagawa
nang mapigil ang krimeng nabalita
dapat batas pa'y patataging sadya

- gregoriovbituinjr.
03.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Mula World #140, umangat na sa World #75 si Alex Eala

MULA WORLD #140, UMANGAT NA SA WORLD #75 SI ALEX EALA

taaskamaong pagpupugay kay Alex Eala
mula sa World Number One Hundred Forty, umangat na
siya sa ranking, World Number Seventy Five na siya
dahil sa panalo sa mga nakalaban niya

aba't tatlong Grand Slam Champion ang kanyang tinalo
kasama doon ang World Number Five at World Number Two
nasa Top Four sa semifinals, humanga ang mundo
siya'y isang inspirasyon sa mga Filipino

ipakita mo pa, Alex, ang bilis mo at husay
ipakita mo pa ang galing ng atletang Pinay
ipinagbubunyi namin ang bawat mong tagumpay
maging kampyon ka sa mundo sana'y aming masilay

sa mga nagawa mo para sa bayan, salamat
kaya, O, Alex Eala, isa ka nang alamat
mga susunod na henerasyon ay mamumulat
susunod sa yapak mo, muli, maraming salamat!

- gregoriovbituinjr.
03.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 28, 2025, p.8

Nakaabang na sa pridyider si Alaga

NAKAABANG NA SA PRIDYIDER SI ALAGA

hanap ay pagkain sa pridyider o sa ref
o sa refrigirator, at di sa referee
ang aming alagang galing lang sa pag-idlip
na dito sa amin ay talagang nawili

dahil nawiwili ring kaming mag-alaga
kay Alaga, may kakain ng tira-tira
lalo na't may nagtatago rin ditong daga
at bubuwit na dapat ay mahuli niya

sa araw-gabi'y nagtitira ng pagkain
minsan, sabay kaming kumain ng hapunan
sa umaga ay madalas tulog, antukin
sa gabi, si Alaga'y pagkasigla naman

pagdating ko, pridyider ay bubuksan agad
si Alaga'y nakaabang sa pagbukas ko
agad bigay ko'y pritong isda niyang hangad
lalo't masaya kaming siya'y naririto

- gregoriovbituinjr.
03.29.2025

* mapapanoood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/15tiNupCdw/ 

Biyernes, Marso 28, 2025

Mabuhay ang Letran sa panalo

MABUHAY ANG LETRAN SA PANALO

kahit wala na sa eskwelahan
suportado ang laban ng Letran
mula noong hayskul hanggang ngayon
sa laro nila wala man doon

kaya Arriba Letran! ang hiyaw
upang sila'y maging matagumpay
anumang laro, kahit basketball
chess, tennis, track and field, at volleyball

ako'y isang simpleng tibak lamang
na sa Letran ay napapabilang
na noong hayskul doon nagtapos
kaya ako'y taga-Intramuros

na sa NCAA naglaro rin
atleta noong hasyskul pa man din
track and field ang laro ko talaga
sa Rizal Memorial Stadium pa

kaya pag nabasa sa balita
ang laro ng Letran, ako'y hanga
ang pagsuporta ko'y sadyang buo
ngayon man ay wala akong luho

- gregoriovbituinjr.
03.28.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite at Pilipino Star Ngayon, Marso 28, 2025
* NCAA - National Collegiate Athletics Association

Tennis great Nadal, saludo kay Alex Eala

TENNIS GREAT NADAL, SALUDO KAY ALEX EALA

matapos nitong talunin si Iga Swiatek
pinuri ni Rafael Nadal si Alex Eala
sabi ni Nadal, "We are extremely proud of you, Alex."
anya, "What an incredible tournament! Let's keep dreaming!"

mensahe sa social media ni Nadal kay Alex na
nagsanay sa Rafael Nadal Tennis Academy
sa Mallorca, malaking isla sa bansang Espanya
maganda iyong papuri ng isa sa The Big Three

nina NadalRoger Federer at Novak Djokovic
na nangungunang tennis player na kalalakihan
kami rin sa Pinas, nagpupugay sa iyo, Alex
tunay kang inspirasyon para sa kinabukasan

ang hiyaw nga namin, Alex, mabuhay ka, mabuhay!
sa larangan ng tennis ay ipinakitang husay

- gregoriovbituinjr.
03.28.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 28, 2025, p.12

Alex Eala, tinalo ang World #2

ALEX EALA, TINALO ANG WORLD NO. 2

O, Alex Eala, pagpupugay sa iyo
at talagang tinalo mo ang World Number Two
na nasaksihan ng maraming Pilipino
mula pa sa iba't ibang panig ng mundo

laro mo'y kaygaling, di ka patumpik-tumpik
at pinataob mo si Iga Swiatek
labingsiyam na anyos ka lang ngunit hitik
na sa karanasan, kung pumalo'y kaybagsik

panatilihin mo ang magandang momentum
ang mga tinalo mo'y magagaling doon
tunay ngang alamat ka na at inspirasyon
para sa mga susunod pang henerasyon

tiyak ang pangalan mo'y nakaukit na nga
sa kasaysayan ng isports sa ating bansa
kaya sa iyo'y maraming tumitingala
humayo ka't kampyonato'y kamtin mong sadya

- gregoriovbituinjr.
03.28.2025

* ulat mula sa mga pahayagang Tempo, Pilipino Star Ngayon, at Abante, Marso 28, 2025

Ang tatlo kong daigdig

ANG TATLO KONG DAIGDIG

sa tatlong daigdig umiikot 
ang araw at gabi kong pag-inog:
sa pamilya, sa pakikibaka
at lalo na sa literatura

tutula na sa madaling araw
sa umaga'y bibili ng lugaw,
tsamporado at sampung pandesal
ihahanda sa aming almusal

pag nasok sa trabaho si misis
ako naman ay tutungong opis
o kaya'y sa rali sa lansangan
gagampan ng tungkulin sa bayan

pamilya naman kapag umuwi
sanaysay at tula pag naglimi
aktibismo man ang nasa dibdib
ang pag-irog sa pamilya'y tigib

magbabasa ng nabiling aklat
magninilay at may isusulat
palipat-lipat, papalit-palit
sa tatlo kong mundong magkalapit

- gregoriovbituinjr.
03.28.2025

Huwebes, Marso 27, 2025

Pagpopropaganda versus seguridad?

PAGPOPROPAGANDA VERSUS SEGURIDAD?

manunulat, makata, kwentista, propagandista
iyan ang buhay ko bilang aktibistang Spartan
paggawa ng dyaryo, ng polyeto't editoryal pa
ginagawa ko ang trabaho't misyon ng lantaran

propagandista'y nagpapalakas ng kalooban
pag di mapakali sa problema't isyu ang masa
pag negatibo ang nasa isip ng kababayan
moral nila'y patataasin ng propagandista

ngunit anang kasama, isipin ang seguridad
tama naman siya, at baka ako'y mapahamak
at huwag ipakilala ang iyong identidad
tama siya, upang ako'y di ilugmok sa lusak

security officer at propagandista'y iba
ng gawain, isa'y itago ang pagkakilanlan
propagandista'y di maiwasang magpakilala
misyon ko'y ipahayag ang adhikain sa bayan

sa tula't dyaryo pa lang, nalantad na ang sarili
ngunit maaari namang nom de plume ang gamitin
ang propagandista'y nagsasalita rin sa rali
na tindig ng manggagawa sa isyu'y sasabihin

ingat din, para sa seguridad nang di ma-redtag
salamat sa inyong payo sa mga tulad namin
datapwat ang bawat salitang ipinahahayag
ay aming misyon, ilantad ang bawat simulain

- gregoriovbituinjr.
03.27.2025

Alex Eala, dehado raw kay World #2 Iga Swiatek

ALEX EALA, DEHADO RAW KAY WORLD #2 IGA SWIATEK

may ilang nagsabi, anang ulat sa dyaryo
na pambato nating si Alex ay dehado
lalo't makakalaban niya'y World Number Two
na si Swiatek, siya ba'y mananalo?

palagay ko si Alex pa ang magwawagi
kung kanyang momentum ay mapapanatili
matitinding manlalaro'y kanyang ginapi
mananalo siya't makakamit ang mithi

sige, Alex Eala, gawin mo ang kaya
kami rito'y iniidolo ka talaga
ang pangalan ng bansa'y dala mo tuwina
pagpupugay, mabuhay ka, Alex Eala!

ang World Number Two ay iyo nang pataubin
ipakita sa mundong Pinay ay kaygaling

- gregoriovbituinjr.
03.27.2025

* ang sanligan o background ay mula sa ulat sa pahayagang Abante at Bulgar, Marso 27, 2025

Miyerkules, Marso 26, 2025

Bala, balat, balato

BALA, BALAT, BALATO

hilig kong maglaro ng salita
tulad ng BALA, BALAT, BALATO,
ITA, KITA, KITAM na kataga
tingni ang ALAY, MALAY, MALAYO

iba pa rin ang salitang tugma
na tulad ng PINTO, GINTO, HINTO
na madalas magamit sa tula
gaya nitong GUHO, BUHO, LUHO

dagdag-titik sa bawat salita
kaya tuloy nagmistulang laro
tila pagpipilipit sa dila
o tongue twister na ating nahango

pamagat nitong tula'y suriin
ang balato ba'y bala o balat?
namnamin kumbaga sa pagkain
at kayrami mong madadalumat

- gregoriovbituinjr.
03.26.2025

Martes, Marso 25, 2025

Ang berdugo'y di magiging bayani

ANG BERDUGO'Y DI MAGIGING BAYANI

tila nais palabasin ng kanyang anak
na kung uuwi'y baka mamatay sa tarmak
baka mapagaya kay Ninoy sa paglapag
ng eroplano, baka siya'y mapahamak

iyan ang laman ng mga ulat sa dyaryo
naging dilawan na ba ang bise pangulo?
idinamay si Ninoy, baka magkagulo?
magiging bayani ba ang isang berdugo?

gayong may atas paslangin ang libong Pinoy
ngayon, ikinukumpara siya kay Ninoy
baka mga napaslang, sa hukay managhoy:
"hoy! si Ninoy nga'y huwag ninyong binababoy!"

dating Pangulo'y kay Ninoy ikinumpara
ano? hay, nakakaumay, maling panlasa
dahil sa kaso'y nagbabalimbingan sila
parang niyakap nila ang diwa ng Edsa

sa tindi ng kaso, crime against humanity
di makababalik, iyan ang mangyayari
umiyak man ng dugo, kahit pa magsisi
di siya isang Ninoy, di siya bayani

- gregoriovbituinjr.
03.25.2025

* mula sa ulat ngayong araw sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Bulgar at Abante

Makasaysayang panalo ni Alex Eala

MAKASAYSAYANG PANALO NI ALEX EALA

sa larangan ng isports, sakalam talaga
ang ating kababayang si Alex Eala
Kanang si Madison Keys pinataob niya 
kaya bansa'y ipinagmamalaki siya!

unang pinataob ay pawang may number five
si Katie Volynets, world's number seventy five
Jelena Ostapenko, world's number twenty five
at ngayon ay si Madison Keys, world's number five

labingsiyam na anyos pa lang nang magwagi
ang kanyang mga panalo'y kapuri-puri
maging world champion sa tennis ang kanyang mithi
sana kalusugan niya'y mapanatili

kami rito, Alex, sa iyo'y nagpupugay
pinakita mo sa mundo ang iyong husay
pinakita sa iba ang lakas ng Pinay
kaya hiyaw namin, mabuhay ka, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
03.25.2025

* ulat ng Marso 25, 2025, mula sa pahayagang Abante, Pilipino Star Ngayon, at Pang-Masa

Careless ba kaya niya iniwan?

CARELESS BA KAYA NIYA INIWAN?

sa pamagat pa lang, alam mong iiwan mo
"Liza Soberano explains why she left Careless,
reveals new management", sa Caremore kaya ito?
iwan mo kung careless, bakit ka magtitiis?

bakit ba Careless imbes Careful ang pangalan
ng talent agency na pinasukan dati
pumokus na raw sa musika o awitan
imbes doon sa pagiging talent agency

subalit di ako interesado roon
kundi bakit pangalan ay Careless talaga
negosyo't pagkita ng pera lang ang layon?
o careless ang danas sa nasabing ahensya?

nakapokus daw ang Careless sa Pilipinas
habang nais ni Liza'y magpuntang Hollywood
iyan ang sinasabi sa ulat ng pantas
si Liza'y nais sa Hollywood mapanood

- gregoriovbituinjr.
03.25.2025

* litrato mula sa Philippine Star fb page

Lunes, Marso 24, 2025

Ang pito kong aklat ni Ligaya G. Tiamzon Rubin

ANG PITO KONG AKLAT NI LIGAYA G. TIAMZON RUBIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako ng pitong aklat ng manunulat na si Ligaya Tiamzon-Rubin sa Philippine Book Festival 2025. Ang nakatutuwa rito, tigsisingkwenta pesos ang bawat isa. Kaya P350 lahat ito (P50.00 x 7 = P350.00).

Ikalawa, nakakatuwa dahil anim sa pitong aklat ang tungkol sa Angono, Rizal. Dahil minsan na rin akong tumira at nagbahay sa isang lugar sa Angono, sa Mahabang Parang, nang halos anim na taon.

Baguhang staff pa lang ako ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nang tumira ako roon, dahil isa sa mga lider ng KPML, si Ka Joel na nasa kalapit na barangay na sakop ng Teresa, Rizal, ay kinupkop ako, at doon na rin nagsimulang mag-organisa ng maralita. Bandang taon 2002 hanggang 2007 ako naroon.

Nawala lang ako sa Angono dahil sa paghihiwalay ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ng grupong Partido Manggagawa (PM). Ang KPML, kung saan ako staff, ay pumanig sa BMP, habang ang lider ng KPML na si Ka Joel, ay napunta sa PM.

Kilala ko na noon pa si Ligaya Tiamzon Rubin dahil nagsusulat siya sa magasing Liwayway na hilig kong bilhin dahil sa mga nobela, komiks, maikling kwento at tulang nalalathala rito. Kumbaga, ito lang ang magasing pampanitikan na nalalathala sa wikang Tagalog.

Kaya nang makita ko ang mga aklat ni Rubin sa booth ng UST Publishing House ay binili ko muna ang apat na aklat, at sa ikaapat na araw ang tatlong aklat. Una kong nabili ang Dangal ng Angono Book 1, ang Angono, Rizal Book 4 - Sa Mata ng mga Iskolar ng Bayan, ang Angono, Rizal Book 6 - Pagtatala ng Gunita, at ang Angono, Rizal Book 7 - Doon Po sa Amin. Sa huling araw ng festival ay nabili ko naman ang Angono, Rizal Book 8 - Lahat ay Bida, ang Angono, Rizal Book 19 - Itanghal ang Bayan, at Paano Nagsusulat ang Isang Ina.

Ang bawat aklat ay may sukat na 6" x 9" na may kapal na kalahating dali, at naglalaro sa humigit kumulang 250 pahina bawat libro. Bawat aklat na Angono, Rizal ay katipunan ng akda ng iba't ibang manunulat, na tinipon ni Ligaya Tiamzon-Rubin, kasama ang kanyang mga sinulat.

Habang ang aklat na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay katipunan ng mga sanaysay ni Gng. Rubin. At ang sanaysay na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay nagkamit ng ikalawang gantimpala sa sanaysay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1981. Naroon din sa aklat na iyon ang isa niyang sanaysay sa Ingles na may pamagat na Turning Back and Moving Forward na nanalo naman ng Third Prize sa Essay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1980.

Nais kong basahin ang mga sulatin hinggil sa Angono dahil minsan na rin akong naging anak nito.

LIGAYA TIAMZON RUBIN

minsan na rin akong nanahan sa Angono, Rizal
bilang istap ng isang samahan ng maralita
doon ay halos anim na taon akong tumagal
na dahil sa problemang pangsamahan ay nawala

kaya nang sa Philippine Book Festival makita ko
ang mga librong hinggil sa Angono'y binili na
di na ako nagdalawang isip na bilhin ito
lalo't napakamura, limampung piso ang isa

maraming salamat, Ligaya G. Tiamzon Rubin
sa mga sulatin mong pamana sa sambayanan
nang isinaaklat mo ang iba't ibang sulatin
sinulat mo ang tungkol sa lupa mong tinubuan

tunay na inspirasyon ka't mga akda'y kayhusay
tangi kong masasabi'y taospusong pagpupugay!

03.24.2025 

Pagsusumikap

PAGSUSUMIKAP

kailangan ko ba ng inspirasyon
upang makamit ko ang nilalayon?
o dapat ko lamang pagsumikapan
ang pinapangarap ko kung anuman?

pampasigla nga ba ang inspirasyon?
paano kung wala? paano iyon?
marahil, mas kailangan ay pokus
upang kamtin ang pangarap mong lubos

sino bang inspirasyon ng makata?
upang samutsaring tula'y makatha
marahil nga'y may musa ng panitik
na ibinulong ay isasatitik

oo, nagsusumikap pa rin ako
bakasakaling magawa ko'y libro
ng tula, maikling kwento't sanaysay
o baka nobela'y makathang tunay

- gregoriovbituinjr.
03.24.2025

Thomas Edison: "Success is 10% inspiration and 90% perspiration."

Albert Einstein: "Genius is 1% inspiration and 99% perspiration."

Linggo, Marso 23, 2025

Pansamantalang paglaya ni Du30, haharangin ng EJK victim families

PANSAMANTALANG PAGLAYA NI DU30, HAHARANGIN NG EJK VICTIM FAMILIES

tiyak na tututulan ng mga pamilya
ng mga biktima ng EJK o yaong
extrajudicial killings kung pansamantala
mang makalaya si dating pangulong Digong

anang ulat, sakaling may interim release
dahil maimpluwensya ang dating pangulo
tiyak na marami ang aaktong mabilis
upang harangin sakaling mangyari ito

may due process si Digong, di yaong winalan
ng buhay, pinaslang, kaya sadyang masahol
pag pinagbigyan ang mismong may kasalanan
tiyak na human rights defenders ay tututol

kaya sana'y di ito gawin ng ICC
upang inaasam na hustisya'y makamit
ng mga biktimang ang buhay ay winaksi
ng berdugong ang atas ay napakalupit

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

* ICC - International Criminal Court
* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 23, 2025, pahina 1 at 2

Mura na ang apat na diksyunaryo

MURA NA ANG APAT NA DIKSYUNARYO

binili ko'y apat na diksyunaryo
na English-Tagalog ni Leo English
sa mga pamangkin ay panregalo
unang libro'y nabili ng Biyernes

at tatlo pa nito noong Sabado
National Book Store, Quezon Avenue lang
dating presyo'y animnaraang piso
siyamnapu't siyam na piso na lang

huling araw na ngayon, kaibigan
baka makahabol ka't makabili
pulos dayuhang libro karamihan
panitikang Pinoy bihira dini

diksyunaryong nabili'y mahalaga
malaking tulong sa mga pamangkin
magagamit sa pag-aaral nila
kahit di Pasko, may regalo na rin

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

Pagkatha

PAGKATHA

madaling araw pa lang ay tutula
tanghali hanggang gabi ay Taliba
ganyan na iniskedyul ng makata
ang araw at gabi niyang pagkatha

napanaginipan niyang salita
ang siyang bumubuo ng talata
sa sanaysay o sa kwentong nalikha
o saknong at taludtod na nagawa

mga napapanaginipang paksa
ay mula sa binulong ng diwata
musa ng panitik na laging handa
sa pag-alalay sa abang makata

kaya madalas akong naluluha
sa salaysay ng buhay ng kawawa
kaya yaring pluma'y di maibaba
upang ipagtanggol ang api't dukha

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

Nars ako ni misis

NARS AKO NI MISIS

di naman ako nagtapos ng nursing
subalit naging nars ako ni misis
lalo't sa sakit ay umaaringking
dapat bigay kong gamot ay kaybilis

pag sa opisina siya'y pumasok
iyon ang panahon ko sa kalsada
pag gabi na't sa bahay matutulog
nars na ako at di na raliyista

mula Lunes hanggang Biyernes ganoon
nars naman sa gabi, Sabado't Linggo
mga reseta'y aking tinitipon
na aking gabay sa pagiging nars ko

dahil na rin sa karanasang tunay
kwarenta'y nwebe araw sa ospital
natuto't nakinig sa pagbabantay
kay misis, isang buwan ding kaytagal

nakakalabas lang paminsan-minsan
halimbawa'y pupunta sa palengke
bibili sa karinderya ng ulam
o bibili ng gamot sa Mercury

oo, naging nars ang tulad kong tibak
upang si misis ay gumaling lamang
sa isip ko man ito'y tambak-tambak
buong suporta ko'y naririyan lang

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

Sabado, Marso 22, 2025

Hindi pa raw isusuko ang 'Bataan"

HINDI PA RAW ISUSUKO ANG 'BATAAN'

grabeng metapora kapag iyong tiningnan
tila ba sexist remark sa kababaihan
sa pagbabalita sa isang pahayagan
idagdag pa ang nagi-ispayk sa larawan

pamagat nga'y "Myla hindi pa isusuko
ang 'Bataan'", kahulugan ba'y napagtanto
gayunpaman, katapangan ang mahuhulo
bagamat pamagat ay tila pagbibiro

isa iyong balita sa larong volleyball
na si Myla Pablo ang nagbibigay trobol
sa katunggaling di basta-basta maismol
na matinding pagsasanay ang ginugugol

noong World War Two nang Bataan ay bumagsak
sa kamay nang Hapon, pinagapang sa lusak
ang mga Pilipino't Kanong tambak-tambak
hanggang sa mga kaaway sila'y umupak

hindi pa isusuko ang 'Bataan', sabi
sa ulat, pinatungkulan ang binibini
na animo'y patama sa pagkababae
na pag nalugso, Bataan na'y iwinaksi

- gregoriovbituinjr.
03.22.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 22, 2025, pahina 8

Kung palaisipan ang pag-ibig

KUNG PALAISIPAN ANG PAG-IBIG

"First love never die," anong gandang kasabihan
hinggil sa pag-ibig, tulad din ng "Love is blind"
na nag-uusap ay dalawang puso lamang
oo, tanging puso lamang, di ang isipan

kaya isang palaisipan ang pag-ibig
may mayaman at mahirap na nagkaniig
bagamat minsan, luha ang naididilig
dahil sa mga tampuhan nagpapadaig

may pinagsama ring di dahil sa pagsinta
kundi dahil sa pag-aari't yaman nila
aba'y hindi ganyan ang pag-ibig, hindi ba?
dahil sa negosyo? magkakauri sila!

palaisipan ang pag-ibig ni Balagtas
sa kanyang Celia, basahin mo't makakatas
sa Florante at Laura ang pagsintang ningas
sa puso ng ating bunying makatang pantas

nag-aalab din sa pag-irog yaring puso
sa sintang tila kami'y langgam kung sumuyo
ang pag-ibig na ito sana'y di maglaho
at huwag mapalitan ng laksang siphayo

- gregoriovbituinjr.
03.22.2025

* ang sanligan o background ay mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 22, 2025, pahina 10

Magramo, bagong WBC champ; anak ni Pacman, wagi

MAGRAMO, BAGONG WBC CHAMP;
ANAK NI PACQUIAO, WAGI

Congrats po sa dalawa nating boksingero
bagong WBC champ na si Magramo
habang wagi sa lightweight si Eman Bacosa
sa Blow-by-Blow na ginanap pa sa Okada

tinawag na "Hurricane" dahil anong galing
ni Arvin Magramo na sisikat sa boxing
pang-anim na sunod na panalo ni Eman
na sumunod sa yapak ng amang si Pacman

anang ulat, napaluhod ang katunggali
ni Magramo kaya sa hurado'y nagwagi
at si Bacosa naman ay nagpakawala
sa kalaban ng ilang solidong patama

kina Arvin at Eman, mabuhay, mabuhay!
magpatuloy kayo't ipakita ang husay!

- gregoriovbituinjr.
03.22.2025

* WBC - World Boxing Council
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 22, 2025, p,12

Biyernes, Marso 21, 2025

Si Prof. Vim Nadera at ako

SI PROF. VIM NADERA AT AKO
(Alay sa World Poetry Day)

nakita ko na siya noon nang ako'y nag-LIRA
dalawang dekadang lumipas, ako'y nakasama
sa Palihang Rogelio Sicat, siya ang mentor ko
sa pagtula, sa kanya ako'y talagang saludo

nang maglunsad ng mga bagong aklat ang UP Press
kami'y nagkita, nagkakumustahan ng mabilis
binigyan ko siya ng Taliba ng Maralita
na publikasyon namin sa samahan ng dalita

Taliba'y pinuri niya't ako'y padadaluhin
sa isang aktibidad ng mga may mumunting zine
o maliit na magasin tulad ng pahayagang
Taliba, natuwa ako't sumang-ayon din naman

at sa UP, aklat niya'y inilunsad ding tunay
pamagat: "Tokhang at Iba Pang Nanlabang Sanaysay"
na kasabay ng isinalin kong aklat din doon
ang "Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig" iyon

sa pagsasalin ako'y magpatuloy, kanyang payo
na isang tungkuling ginagawa ng taospuso
maraming salamat sa iyong payo, Professor Vim
tagos sa loob ko, matalim, malalim, taimtim

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* litratong kuha sa Pagmayaw: Paglulunsad ng mga Bagong Aklat ng UP Press 2024 na ginanap sa UP, Marso 20, 2025
* LIRA - Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo

Ang awtor na si Jun Cruz Reyes at ako

ANG AWTOR NA SI JUN CRUZ REYES AT AKO
(Alay sa World Poetry Day)

sa Megamall siya unang nakadaupang palad
nang ilunsad niya roon ang isa niyang aklat
higit isang dekada na pala ang nakalipas 
muli kaming nagkita sa isa pang lunsad-aklat

matapos kong mapresenta doon sa entablado
bilang tagasalin ng isang mahalagang libro
pagbaba'y nginitian niya't kinumusta ako
buti't ako'y natatandaan pa niyang totoo

premyadong awtor ang magaling na si Jun Cruz Reyes
bagong aklat niya ang "Never Again, Never Forget"
habang tangan ko'y librong salin mula wikang Ingles
salin ko'y "Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig"

di siya nagsulat hinggil sa establisimyento
sabi niya sa akin, nagtuturo pa ba ako?
opo, sagot ko, sa mga maralita't obrero
bilang pultaym na tibak, patuloy ang pagkilos ko

sa kanya, ang mangingisda sa Manila Bay naman
ang mga isyu nila ang kanyang tinututukan
aniko, ispirasyon ko kayo sa kahusayan
ang inyong mga akda'y binabasa kong mataman

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* litratong kuha sa Pagmayaw: Paglulunsad ng mga Bagong Aklat ng UP Press 2024 na ginanap sa UP, Marso 20, 2025

Si Ariel Tabag ng magasing Bannawag at ako

SI ARIEL TABAG NG MAGASING BANNAWAG AT AKO
(Alay sa World Poetry Day)

kapwa kami may inilunsad na libro ng UP Press
"Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig" na salin ko
isa siya sa tatlong nagsalin: "Sa Bagani Ubbog"
na mga kwentong Ilokano ni Reynaldo A. Duque

bungad nga niya, "Ikaw ba ang asawa ni Liberty?"
"Oo", agad kong tugon, nakwento na siya sa akin
ni misis pagkat ang asawa nito'y social worker ding
katulad ni misis, aba, mundo nga'y sadyang kayliit

unang beses iyon na siya'y makadaupang palad
nasa patnugutan si Ariel ng magasing Bannawag
ako'y nasa pahayagang Taliba ng Maralita
binigyan ko rin siya ng kopya ng dyaryong Taliba

sa iyo, Ariel S. Tabag, taasnoong pagpupugay
ikinararangal kong nakasalamuha kang tunay
daghang salamat, nobelista, kasalin, kamakatâ
nawa'y maging matagumpay ka pa sa iyong pag-akdâ

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* litratong kuha sa Pagmayaw: Paglulunsad ng mga Bagong Aklat ng UP Press 2024 na ginanap sa UP, Marso 20, 2025

Ang uod ay isang paruparo

ANG UOD AY ISANG PARUPARO And just what the caterpillar thought her life was over, she began to fly. ~ Chuang Tzu kaygandang talinghaga'...