Sabado, Marso 8, 2025

Ngayon pong Araw ng Kababaihan

NGAYON PONG ARAW NG KABABAIHAN 

ngayon pong Araw ng Kababaihan 
ako'y taaskamaong nagpupugay
sa mga ilaw ng bawat tahanan
sa lahat ng lola at mga nanay

babae kayong nagluwal sa amin
nag-alaga, nagpasuso ng gatas
nagpalaki, nagmahal, nagpakain
gabay namin sa maayos na landas

kayo'y mga asawang iniibig
di sinasaktan pagkat minamahal
kayo ang kalahati ng daigdig
kayong sa mundo'y bumuhay, nagpagal

kayo'y lola, ina, tiya, kapatid,
pinsan, kaklase, katrabaho, mare,
kayong pag-ibig ang inihahatid
kayo'y Gabriela, Oriang, bayani

salamat po sa inyong sakripisyo
mula sinapupunan, nag-aruga
maraming salamat, nariyan kayo
na mga ginawa'y sadyang dakila

- gregoriovbituinjr.
03.08.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1Gpe23Vv9k/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pag-asa

PAG-ASA habang may buhay ay may pag-asa lahat ay pagbabakasakali kailangan lamang kumilos ka upang makamtan ang minimithi habang may buhay a...