Linggo, Agosto 17, 2025

Salamisim

SALAMISIM

inaaliw ko na lang ang sarili
sa pagkilos at pagsama sa rali
sa pagbasa ng aklat nawiwili
tulâ ng tulâ sa araw at gabi

ako'y ganyan nang mawala ka, sinta
tunay na yaring puso'y nagdurusa
natutulala man, nakikibaka
kasama'y obrero't dukha tuwina

sa uring manggagawa naglilingkod
habang patuloy ding kayod ng kayod
maraming lansangan ang sinusuyod
at sa pagsulat nagpapakapagod

ikasampu ng gabi mahihimbing 
at madaling araw naman gigising
laksa ang paksa sa pagkagupiling
pagsisikapan ang larang at sining

- gregoriovbituinjr.
08.17.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa 4th Black Friday Protest ng 2026

SA 4TH BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026 nagpapatuloy ang  Black Friday Protest sapagkat ayaw natin ng  Just-Tiis laban sa korap at mapagmalabis ...