Sabado, Agosto 16, 2025

Tutulâ, tulalâ

TUTULÂ, TULALÂ

ako'y isang makatâ 
laging tulâ ng tulâ 
madalas na'y tulalâ
nang asawa'y nawalâ

palaging nagmumuni
tititig sa kisame
ngunit pinagbubuti
ang sa tula'y mensahe

mga dahong naluoy
nagsasayawang apoy
tubig na dumadaloy
ay paksa ng panaghoy

ang bawat tula'y tulay
sa yugto niring buhay
patuloy sa pagnilay
sakbibi man ng lumbay

di man nananaginip 
lumilipad ang isip
lalo't di na malirip
ang anumang mahagip

- gregoriovbituinjr.
08.16.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Almusal na gulayin

ALMUSAL NA GULAYIN talbos ng kamote at okra payak na almusal talaga sibuyas, bawang, at kamatis na isinawsaw ko sa patis habang katabi ang k...