Sabado, Setyembre 27, 2025

Buwaya

BUWAYA

tila buwaya'y mukhang Lacoste
pangmayaman, pangmay-sinasabi:
ang "Their Luxury, Our Misery"
na patamà sa mga salbahe

istiker o plakard sa lansangan 
na sa paglalakad nadaanan
kaya kaagad nilitratuhan
pagkat mensahe'y para sa bayan

lalo't buwaya'y bundat na bundat
pati contractor at kasapakat
pondo ng flood control ang kinawat
kaya pagbaha'y kaytinding sukat

sadyang sila'y mga walang budhi
walang dangal at kamuhi-muhi 
mga ganid na dapat magapi
sa pwesto'y di dapat manatili

kaban ng bayan na'y kinurakot
nilang kawatang dapat managot
sigaw ng bayan, lakip ay poot:
IKULONG ANG LAHAT NG KURAKOT!

- gregoriovbituinjr.
09.27.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagtatása at Pagtatasá (Assessment and Sharpening)

PAGTATÀSA at PAGTATASÁ (Assessment and Sharpening) pag natapos ang plano at mga pagkilos  ay nagtatàsa o assessment nang maayos kung ang pag...