Huwebes, Oktubre 30, 2025

Pagkawalâ

PAGKAWALÂ

ngayong nawalan na / ako ng asawa
sinong mag-uulat / na ako'y nawalâ
dinukot ninuman / dahil aktibista
ika ni Gat Andres, / walâ na ngâ, walâ

tuloy pa rin ako / sa bawat pagkilos
nang masa'y mamulat / sa prinsipyong yakap
upang manggagawà / at kapwa hikahos
ay magsikilos na't / makulong ang korap

mahahalata mo / pag winalâ ako
pag tulang tulay ko'y / di na natunghayan
sa umaga't gabi / ng mga katoto
oo, tanging tulâ / ang palatandaan

may habeas corpus / nang ako'y mahanap
o kung di na buhay, / makita ang bangkay
bigyan ng marangal / na libing, pangarap 
kong tulang kinatha'y / inyo pang matunghay

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025

Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025 huling araw na ng Oktubre bukas ay buwan na ng Nobyembre aba'y wala pa ring nakuku...