Lunes, Oktubre 6, 2025

Puna ni Marcelo

PUNA NI MARCELO

anong tinding puna ni kasamang Marcelo
na tanda ko pa't tagos sa diwa't pusò ko
"bakit di ka nila-like ng kolektibo mo?"
punang yumanig sa buo kong pagkatao

noon nama'y di ko iyon iniintindi
katha lang ng katha, sa pagkilos nawili
ngayon lang natantong wala akong kakampi
dumaan ang birthday, wala silang nasabi

ngunit sila'y akin pa ring inuunawà
kaya ganyan sila'y ako rin ang maysalà
kasi ako'y di nila kaututang-dilà
kasi ako'y laging abala sa pagkathâ

salamat, Marcelo, manggagawa sa Rizal
tunay kang kapatid sa rebolusyo't dangal
puna mo'y tama't humihiwang tila punyal
sa pusong nagdugo na't tila ba napigtal

puna mo'y bumaon ng kalalim-laliman 
sa aking pusò bilang tibak na Spartan 
simpleng tanong na sumugat sa katauhan
ito'y punang dadalhin ko hanggang libingan 

- gregoriovbituinjr.
10.06.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa 4th Black Friday Protest ng 2026

SA 4TH BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026 nagpapatuloy ang  Black Friday Protest sapagkat ayaw natin ng  Just-Tiis laban sa korap at mapagmalabis ...