Miyerkules, Oktubre 22, 2025

Salamat, Bianca, sa iyong pag-alala


SALAMAT, BIANCA, SA IYONG PAG-ALALA

salamat, Bianca Umali, sa concern mo
doon sa NAIA sa laksang pasahero 
na nakita mong nakaupo lang sa sahig
gayong sementong iyon ay sadyang kaylamig

anya, sana'y may pansamantalang upuan
para sa nanay, lola't batang kababayan
tagos sa buto ko ang kanyang pakiusap
na sana namamahala'y gawin nang ganap

nakapagtatakang di iyon naiisip
ng namamahala, di ba nila nalirip
kung saan uupo ang mga bibiyahe
sana sila'y di manatiling bulag, bingi

silya't gamit ay pansamantalang inalis
upang konstruksyon daw ng NAIA'y bumilis
subalit nasa sahig, naghihintay ng flight
ang mga pasahero't ganyan ang naging plight

salamat, Bianca, sa iyong malasakit
at karapatang pantao'y iyong giniit
pakiusap na sa gitna ng pagbabago
dapat di profit ang tingin sa pasahero

- gregoriovbituinjr.
10.22.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa at Pilipino Star Ngayon, Oktubre 21, 2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Inumin ng tibak na Spartan

INUMIN NG TIBAK NA SPARTAN tsaang bawang, luya at malunggay ang kadalasan kong tinatagay layon kong katawan ay tumibay kalamnan ay palakasin...