AYOKONG MABUHAY SA UTANG
ayokong mabuhay na lang
upang magbayad ng utang
tulad sa kwentong "The Necklace"
nitong si Guy de Maupassant
subalit kayraming utang
na dapat ko pang bayaran
ako'y nabubuhay na lang
upang magbayad ng utang
kayâ buô kong panahon
sa bawat galaw ang layon
paano bayaran iyon
buong buhay ko na'y gayon
habang kayraming kurakot
mga pulitikong buktot
kaygandang buhay ng sangkot
silang sa bayan ay salot
ikinwento ni Maupassant
sadyang wala ka nang buhay
kumikilos parang patay
nabubuhay parang bangkay
di matulad kay Mathilde
Loisel sa akdang "The Necklace"
yaong nais ko't mensahe
sa kapwa ko't sa sarili
sa tulad kong pulos utang
tama ka, Guy de Maupassant:
ang nabubuhay sa utang
ay wala nang kasiyahan
- gregoriovbituinjr.
12.12.2025
* litrato mula sa google

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento