Sabado, Marso 21, 2020

Soneto 3 sa World Poetry Day 2020


Soneto 3 sa World Poetry Day 2020
(sa anyo ng 2-3-4-3-2)

World Poetry Day, na isang araw ng panulaan
O araw ng makata't ng tulang may katuturan

Ramdam mo ba pati tibok ng tulang bibigkasin
Lasap mo ba paanong taludtod ay bibigkisin
Dama mo bang pinapatag ang daang lalandasin

Pantighaw sa nadamang uhaw ng mananaludtod
Organisadong saknong na di sana mapilantod
Espesyal na paksa'y sa alapaap natalisod
Talinghaga't taludturang tunay sa paglilingkod

Rinig mo ba ang bawat hibik ng obrero't dukha
Yamang wala silang yamang di nila napapala
Dusang nararanasan ay paano mawawala

Asahang sa World Poetry Day, tayo'y magtulaan
Yapos ang prinsipyong pagkakapantay sa lipunan

- gregbituinjr.
03.21.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagngiti

PAGNGITI palaging ngumiti, ang payo sa cryptogram na isang palaisipan sa pahayagan dahil búhay daw ay isang magandang bagay at kayraming dap...