Linggo, Pebrero 2, 2025

Ang punò ng Elena ay Ipil

ANG PUNÒ NG ELENA AY IPIL

batid ko na noong ako'y bata pa
na ang puno ng Ipil ay Elena
narinig ko sa nayon ng Sampaga
sa Batangas, lalawigan ni ama

hanggang nakita sa palaisipan
nasa Dalawampu't Apat Pahalang
Punong Santa Elena'y katanungan
binilang ko, apat na titik lamang

akala ko'y santo, di pala, punò
aba'y Ipil ang agad kong nahulô
buti't salitang ito'y di naglahò
kaya krosword ay nasagot kong buô

sa palaisipan nga'y nawiwili
at utak ay nahahasang maigi
nilalaro ko sa araw at gabi
pag pahinga't libangin ang sarili

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 2, 2025, p.7

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Utang

UTANG di ko pa magamit ang pagsulat at pagsasalin upang kumita ng pera't makabayad ng utang na umabot ng milyon, saan ko iyon kukunin ti...