Linggo, Pebrero 2, 2025

Paglutas sa suliranin ng bayan

PAGLUTAS SA SULIRANIN NG BAYAN

kayraming suliranin ng bayan
na dapat mabigyang kalutasan
kayraming masang nahihirapan
pagkatao pa'y niyuyurakan

habang bundat ay humahalakhak
trapong ganid ay indak ng indak
oligarkiya pa'y nanghahamak
dukha'y pinagagapang sa lusak

dinastiya'y dapat nang lipulin
lalo ang oligarkiyang sakim
pati trapong ang ngiti'y malagim
kaya lipunan ay nagdidilim

organisahin ang manggagawa
sila ang hukbong mapagpalaya
uri silang sa burgesya'y banta
ngunit kakampi ng kapwa dukha

ganyang sistema'y di na malunok
ang dukha'y di dapat laging lugmok
ibagsak ang mga nasa tuktok
baguhin na ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Maganda ang kayumanggi

MAGANDA ANG KAYUMANGGI maganda ba ang maputi? kahit pangit ang ugali pangit ba ang kayumanggi? na kutis ng ating lahi di tayo Amerikano o ka...