Sabado, Pebrero 1, 2025

Ang punò

ANG PUNÒ

kaysarap pagmasdan ng punong nadaanan
ang lilim niya'y pag-asang dulot sa tanan
marami siyang naitutulong sa bayan
malinis na hangin at bungang kailangan

halina't pagmasdan ang kanyang mga ugat
at tiyak, marami tayong madadalumat
anya, magpakumbaba kahit umaangat
anya pa, linisin ang basurang nagkalat

sa ilalim ng puno'y kaysarap magpulong
kasama ang dukhang sa hirap nakabaon
talakayin kung paano makakaahon
sa hirap o marahil ay magrebolusyon

ang puno ay kapara rin ng mga tao
bata pa'y inaalagaan nang totoo
hanggang magdalaga o magbinata ito
pitasin at kainin yaong bunga nito

halina't magtanim tayo ng mga punò
sa parang, sa kabundukan, saanmang dakò
at diligan natin ng tubig, luha't pusò
hanggang bagong kagubatan yaong mahangò

- gregoriovbituinjr.
02.01.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa isang mapunong lugar sa UP Diliman

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang punò

ANG PUNÒ kaysarap pagmasdan ng punong nadaanan ang lilim niya'y pag-asang dulot sa tanan marami siyang naitutulong sa bayan malinis na h...