Linggo, Setyembre 14, 2025

Antok pa ngunit dapat magsulat

ANTOK PA NGUNIT DAPAT MAGSULAT

pagod sa mga ginawa't rali
kay-aga kong natulog kagabi
ang nasa relo'y alas-nuwebe
di na inabot ng alas-onse

kaysarap ng aking pagkahimbing
madaling araw, biglang nagising
at bumangon sa pagkagupiling
sa pagkatha na agad bumaling

madalas na ganyan ang makatâ
pag diwa na'y gising, laging handâ
ang hawak na pluma sa pagkathâ
kaysa ang naisip pa'y mawalâ

nilabas ang nasa diwang iwi
ngunit di naman nagmamadali
mamaya ay matutulog muli
pag nakatha na ang minimithi

- gregoriovbituinjr.
09.14.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagtatása at Pagtatasá (Assessment and Sharpening)

PAGTATÀSA at PAGTATASÁ (Assessment and Sharpening) pag natapos ang plano at mga pagkilos  ay nagtatàsa o assessment nang maayos kung ang pag...