Lunes, Setyembre 15, 2025

Sa ngalan ng tulâ

SA NGALAN NG TULA

sa ngalan ng tulâ, / dangal ko't layunin
kumatha't kumathâ, / tula'y bibigkasin
marangal na atas / ng diwa't damdamin
para sa daigdig, / masa't bayan natin

sa ngalan ng tulâ, / balita't nanilay
sa maraming isyu / ng dalitang tunay
ay dapat ilantad, / bawat tula'y alay
sa bayan sapagkat / tula'y aking tulay

sa ngalan ng tulâ, / hangad kong lipunan
ay patas, parehas / at makatarungan
bulok na sistema'y / tuluyang palitan
hanggang makataong / lipuna'y makamtan

sa ngalan ng tulâ, / makatulong sadyâ
nang hustisya'y kamtin / ng bayan, ng madlâ
at mapanagot na / ang mga kuhilà,
tiwali't gahaman / sa kaban ng bansâ

- gregoriovbituinjr.
09.15.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang pandesal at tubig lang

DALAWANG PANDESAL AT TUBIG LANG dalawang pandesal at tubig lang ang kinain kaninang agahan gayon na rin sa pananghalian habang walang salapi...