Huwebes, Marso 26, 2026

Limang pisong bagol

LIMANG PISONG BAGOL
‎mulâ Cubao, lakad bago mag-Quezon City Hall
sa isang opis, tanging laman ng bulsa'y bagol
‎umabot na sa ganyan ang hirap kong nasapol
paano ba alpasan ang panahong kaysahol?
‎ngunit ako'y patuloy pa ring naninindigan
‎na kahit ganito, ako'y tibak na Spartan
‎na di magigiba ng anumang karukhaan
‎ang kalooban kong pinatigas ng labanan
‎anong gagawin ng loob na naghihimagsik
‎lalo na't tumututol sa giyerang mabagsik
‎bawat gunita't danas ay aking tinititik
‎ako'y di bibigay ibitin mang patiwarik
‎limang pisong bagol man ang natira sa bulsa
‎ito'y mapapalago rin, ako'y umaasa
‎mandirigmang Spartan kaming lingkod ng masa
‎kumilos upang kamtin ang asam na hustisya
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.26.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Limang pisong bagol

LIMANG PISONG BAGOL ‎ ‎mulâ Cubao, lakad bago mag-Quezon City Hall sa isang opis, tanging laman ng bulsa'y bagol ‎umabot na sa ganyan an...