Lunes, Setyembre 7, 2020

Paglilinis ng pinulot na basurang plastik

noong una nga'y sadyang nakakadiri talaga
ang basta mamulot na lang ng plastik na basura
baka may uod, pagkaing panis, o tira-tira
na baka nga magpabaligtad sa iyong sikmura

subalit lahat ng iyon ay nilunok ko na lang
alang-alang sa kalikasan, nawala ang yabang
may dignidad pa rin naman pagkat di salanggapang
mas nakakasuka ang trapo't pusong halang

sa aking daraanan ay naglipana ang plastik
isa-isa kong pinupulot na animo'y sabik
nawala na ang pandidiri't di mawaring hibik
kung bunga ang plastik sa lansangan, sa bunga'y hitik

pagdating sa bahay, sinabunan ko't nilinisan
ginupit isa-isa't nilinis ang kabuuan
binanlawan, patutuyuing buong gabi naman
upang ihanda sa pag-ekobrik kinabukasan

at bukas, ieekobrik ang plastik na malinis
na ipapasok sa boteng iba't iba ang hugis
masayang maggugupit, kamay man ay nagtitiis
sa lintog subalit hinahayaan na ang amis

- gregoriovbituinjr.


Pamumulot ng basurang plastik

"Bakit mo ba pinupulot ang basura ng iba?"
sabay tingin sa akin, ang nagawa ko'y mali ba?
di man niya iyon sinabi'y aking nakikita
ang puna sa gilid ng kanyang mapungay na mata

aba'y tama naman siya't tunay na may katwiran
"tapat ko, linis ko," sabi doon sa kalunsuran
"basura mo, itapon mo," huwag lang sa lansangan
bakit nga ba kalat ng iba'y kukunin ko naman?

subalit ako'y isang makakalikasang tibak
environmental activism ang sa puso't utak
na kalikasan ay huwag tuluyang mapahamak
sagipin ang kalikasan laban sa mga tunggak

para sa ekolohiya, sa puso'y natititik
alagaan ang kalikasan, tipunin ang plastik
na nagkalat, gupit-gupitin at ating isiksik
sa boteng plastik at patigasing bilang ekobrik

kita ko sa daang kayraming plastik na nagkalat
ayokong nakatanghod lang, pupulutin ang bawat
naglipanang plastik bago pa mapunta sa dagat
bago kainin ng isdang sa basura nabundat

- gregoriovbituinjr.

Ang dalawang Euclid sa kasaysayan

may dalawang Euclid ang nabasa ko sa historya
tagasunod ni Socrates si Euclid ng Megara
at ang kilala kong si Euclid ng Alexandria
dahil sa kanyang gawa't ambag sa geometriya

akda ng taga-Megara'y anim na diyalogo
ang Lamprias, ang Aeschines, ang Phoenix, ang Crito, 
ang Alcibiades, at pang-anim, ang Amatoryo, 
datapwat, ah, wala nang natira sa mga ito

may Elements namang inakda ang isa pang Euclid
ang number theory't perfect numbers nga'y kanyang hatid
ang Euclidean geometry't algorithm ay nabatid
pati ang kanyang Fragments ay di sa atin nalingid

si Euclid ng Alexandria'y una kong natunghayan
ang geometriya niya'y paksang pinag-aralan
kaya matematika'y kinuha sa pamantasan
at kanyang mga akda'y sadya kong kinagiliwan

oo, aaralin ko ang kanilang mga akda
upang sunod na henerasyon sila'y maunawa
bakasakaling mga akda nila'y maitula
at aklat hinggil sa kanila'y balak kong magawa

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Setyembre 6, 2020

Ang unang pagbagsak ni Keith Thurman

masyado yata siyang kampanteng di mo mawari
iniismol ang sa walong dibisyon naghahari
sa pasyang split decision, yabang niya'y napawi
sa tatlumpung laban, iyon ang unang pagkagapi

baka may iiling, nakatsamba lang ba si Pacman?
nanalo sa walong dibisyon, siya ba'y Superman?
sadya bang matalino't mabilis tulad ni Batman?
kaya binusalan ang kahambugan ni Keith Thurman?

tulad din ba ng pag-ibig iyang patsamba-tsamba?
hindi marahil, pagkat walang tsamba sa pagsinta
kung talagang mahal ka'y sasagutin ng dalaga
at sa iyo'y pakakasal kung talagang mahal ka

kahit playboy nga'y di laging panalo sa pag-ibig
may simpleng karibal ding sa kanya'y makadadaig
pagkat tanging puso ang sa kapwa puso'y didinig
sintunado sa iba'y umiindayog ang himig

sa dalawampu't siyam na panalo'y yumayabang
ngunit nasisilat din ng kamao ng matapang
harapin natin ang pagkatalo ng isports lamang
at ang nakatunggali'y bigyan ng buong paggalang

- gregoriovbituinjr.
* naisulat matapos mapanood muli sa youtube ang first round ng labang Pacquiao versus Thurman

Sa ika-74 kaarawan ng aking ina

nais naming batiin ni misis ang aking ina
ng maligayang kaarawang puno ng pag-asa
"Happy Birthday po!" itong pagbati naming masaya
nawa'y lalagi po kayong malusog sa tuwina

nawa'y laging nasa mabuting kalagayan kayo
ni Ama, at di nako-COVID, kahit papaano
lalaging malakas, humaba pa ang buhay ninyo
at makapagbigay gabay pa sa lahat ng apo

kami naman pong naririto, nasa malayo man
ay namumuhay na sa puso'y may kaligayahan
binubuo naming husay ang pamilya't tahanan
at muli po, Ina, maligaya pong kaarawan!

- gregoriovbituinjr.
09.06.2020

Sabado, Setyembre 5, 2020

Iligtas ang isda't karagatan mula sa plastik

panahon ng lockdown, stay-at-home, walang labasan
walang trabaho't kita, sa loob lang ng tahanan
sadyang ibang-iba ang kalagayang nakagisnan
animo'y naghihintay lang ng abang kamatayan

mabuti't aking natutunan ang pageekobrik
na may layon para sa kalikasang humihibik
nilululon ng isda sa laot ay pulos plastik
kaya paggawa ng ekobrik ay nakasasabik

kayhirap na pulos plastik na lang ang mabibingwit
dahil tao'y pabaya, kaya ganyan ang sinapit
ng mundong tahanang ginawang basurahang pilit
kaya pagmasdan mo ang kalikasang nagigipit

para ka bang tagapagligtas ng isda sa laot
gayong isang tao kang di dapat nakalilimot
na kalikasang ito'y di dapat maging bangungot
na kalikasang ito'y buhay ang idinudulot

- gregoriovbituinjr.

Muling mageekobrik

muli na namang kumatas sa diwa ang adhika
upang kalikasan ay muli nating maalaga
matapos mailibing ang ekobrik na nagawa
ngayon naman ay muling mag-uumpisa sa wala

nilibing sa hagdang bato ang ekobrik kong likha
upang magsilbing sagisag nang tao'y maunawa
na ang kalikasan ay tahanan din nating pawa
kaya bakit tayong tao ang dito'y kakawawa

panibagong ekobrik na naman ang gagawin ko
matapos naming ibaon doon sa hagdang bato
ang dalawampu't isang ekobrik nitong Agosto
katapusan ng buwan, gagawa muling seryoso

narito't nag-ipon muli ng mga boteng plastik
at mga plastik na balutang gagawing ekobrik
lilinisin at guguputin, saka isisiksik
ang nagupit sa bote't patitigasing parang brick

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Setyembre 4, 2020

Ang puri, ayon kay Plaridel

"Huwag hayaan ang matampok sa panalo lamang... Huwag lalayo sa katwiran at sa ikagagaling ng bayan... Manalo't matalo, itayo ang puri!" ~ Marcelo H. Del Pilar, liham sa maybahay na si Marciana, Madrid, 26 Nobyembre 1889

aking pinagnilayan ang sinabi ni Plaridel
na payo sa bayang sa paglaya'y di mapipigil
mas mahalaga ang puri, buhay man ay makitil
kaysa tampok na panalo laban sa mapaniil

"Huwag hangarin ang matampok sa panalo lamang,"
at kanyang dinagdag: "Huwag lalayo sa katwiran,"
kaygandang payo, "at sa ikagagaling ng bayan."
manalo't matalo, puri'y itayo't panindigan

sa pagkatao'y mahalaga ang dangal, ang puri
kaya nilalabanan ang sinumang naghahari
magapi ang mapagsamantala't mapang-aglahi
lalo na't pribilehiyo'y pribadong pag-aari

huwag nating hayaang lamunin tayo ng ngitngit
baka malugso ang puri't sa patalim kumapit
pag-aralang mabuti ang kalagayang sinapit
upang masagip ang bayan sa tumitinding gipit

para sa dangal ng bayan, bayani'y nangamatay
para ipagtanggol ang laya, buhay ang inalay
kaya payo ni Plaridel ay gawin nating gabay
sa pakikibaka't pagtiyak ng paglayang tunay

- gregoriovbituinjr.

* Pinaghalawan ng quotation at litrato mula sa fb page ng Project Saysay

Huwebes, Setyembre 3, 2020

Sagipin ang Ilog Balili

Sagipin ang Ilog Balili

sulat sa karatula'y "Hinagpis ng Ilog Balili"
"Ibalik ninyo ang kalinisan at kagandahan ko!"
dahil pag ito na'y namatay ay walang hahalili
kaya ngayon pa lamang ay sagipin ito ng tao

nagsalita na ang Ilog Balili, naghihinagpis
pagkat sa kagagawan ng tao, dama'y mamamatay
nagsusumamo na siya pagkat di na makatiis
tao ang sumira, tao rin ang sa kanya'y bubuhay

huwag nating pagtapunan o gagawing basurahan
ang ilog na itong nagbibigay-buhay at pag-asa
daluyan ng malinis na tubig, isda'y naglanguyan
kaysarap pakinggan ng agos nitong tila musika

sagipin ang Ilog Balili, ito'y ating buhayin
istriktong patakaran dito'y dapat maisagawa
alagaan na natin ang ilog, tuluyang sagipin
pag nagawa ito'y isa nang magandang halimbawa

- gregoriovbituinjr.
08.03.2020

* Ang nasabing karatula'y nalitratuhan ng makata sa Km. 3, La Trinidad, Benguet, malapit sa boundary ng Lungsod ng Baguio at bayan ng La Trinidad.

Miyerkules, Setyembre 2, 2020

Kalatas sa takip

"You help send us through college each time you buy our products." - Cordillera youth

aba'y nakita ko lang iyon sa isang tindahan
isang marangal na kalatas na dapat malaman
upang maraming makapag-enrol sa pamantasan
upang makapagtapos ang maraming kabataan

sa takip ng Ube Jam, nakita kong nakasulat
na pag bumili niyon ay nakatulong kang ganap
upang may pangmatrikula ang mga nangangarap
na makarating sa kolehiyo't sadyang mamulat

dahil sa kalatas na ito'y mapapabili ka
may palaman na sa tinapay, nakatulong ka pa
produkto ng Good Sheperd ang Ube Jam na malasa
na pag binili mo'y nakapagbigay ng pag-asa

kaya nilitratuhan ko ang kalatas na iyon
bakasakaling ang iba'y makatulong din doon
kamtin ng kabataan ang asam na edukasyon
tunay na marangal nilang adhikain at misyon

- gregoriovbituinjr.

Pagbasa't pagkatha ng kwentong katatakutan

pawang kathang isip lang ang kwentong katatakutan

o kababalaghan, na binili ko pa rin naman

upang masuri ko ang kanilang pamamaraan

ng pagsasalaysay, nang sa gayon aking malaman

bakit kaya kwentong ganito'y kinagigiliwan


nais kong mabasa ang kwento sa dako pa roon

sa libreto'y anim ang kwento, ito'y ang Tradisyon,

Sayaw ng Kamatayan, Sumpa ng Bruha, Ang Balon,

Mga Dagang Perya, at isa pa sa mga iyon,

Mga Alulong sa Hatinggabi'y pamagat niyon


marahil, walang diyalektika sa mga kwento

ngunit sa sikolohiya, parang totoo ito

huwag ka lang maniniwala sa nababasa mo

binibili man ng masa'y mga kwentong ganito

upang may ibang mabasa, di balitang totoo


kathang isip, walang batay sa totoong naganap

kung ako'y gagawa, paksa'y tokhang sa mahihirap

upang may isyu pa rin, upang hustisya'y mahanap

susubukan kong lumikha ng kwentong malalasap,

ang hiyaw ng pamilya, na hustisya'y mahagilap


- gregoriovbituinjr.

09.02.2020


* Ang libretong pinamagatang "Mga Kwento ng Multo at Kababalaghan" ay sinulat ni Ofelia E. Concepcion, guhit ni Steve Torres, at inilathala ng Mic-Con Publishing (2006), 32 pahina. Nabili sa halagang P15.00.

Martes, Setyembre 1, 2020

Paglilibing ng ekobrik sa hagdang bato

higit limang buwan ding ginawa ko ang ekobrik
sa panahon ng kwarantina'y naggupit ng plastik
limang buwang higit na sa boteng plastik nagsiksik
at pinuno ang bote't pinatigas na parang brick

ekobrik na'y inilagay sa aming sinemento
na nasa dalawampung ekobrik na ginawa ko
tila graba sila sa tigas pag tinapakan mo
at ipinalaman sa paggawa ng hagdang bato

ang puwitan ng ekobrik ay sadyang inilitaw
upang disenyo sa hagdang bato'y iyong matanaw
kaygandang pagmasdan sa tag-ulan man o tag-araw
pag nakita ng iba'y may aral na mahahalaw

pageekobrik ay nakatulong sa kalikasan
pagkat plastik ay di na napunta sa basurahan
di na rin lumutang sa ilog, sapa't karagatan
kundi nalibing na sa ekobrik doon sa hagdan

- gregoriovbituinjr.





Ayokong manghiram

ayokong manghiram ang sa utak ko'y natititik
masasabihan lang akong di marunong magbalik
iyan ang pakiramdam ko, di man sila umimik
marami ring nanghiram sa akin, di na binalik

mayroon nga riyang nanghiram sa akin ng libro
subalit sa pagbalik, taon ang bibilangin mo
tulad ng kometang bihirang sumulpot sa mundo
di mo alam kailan masasauli sa iyo

kung nais ko'y panggupit ng kuko, di manghihiram
ako'y bibili ng sariling gamit, mas mainam
sa ganitong paraan, aba'y walang magdaramdam
na di ko naibalik ang hiniram ko't inasam

panghihiram sana'y tanda ng pagkakaibigan
pag di mo agad naibalik, ito'y kasiraan
mahihiya kang umulit sa iyong nahiraman
buti kung patawarin ka nila't laging pagbigyan

- gregoriovbituinjr

Lunes, Agosto 31, 2020

Di basta susuko

ito ang prinsipyo ko, di ako basta susuko
sa kanilang satanas na teroristang hunyango
na ang gusto'y ang sambahin ang kanilang pinuno
na kapit-tuko sa upuan pagkat mukhang tuko

sila ang mga nagpauso ng kulturang tokhang
na kahit mga inosenteng bata'y pinapaslang
ang mga tulad nila'y higit pa sa mambabarang
pagkat sila'y mga bampirang kamukha ng aswang

naturingang awtoridad ngunit pumapatay
ng langaw at sa pagpaslang ay laging naglalaway
mapanghi ang mga bunganga nilang mukhang bangkay
nakakatakot, kaya ka nilang dalhin sa hukay

may takot man ngunit di susuko sa mga praning
kahit na sa sangkaterbang hinebra pa'y malasing
maniningil ang budhi't bayan, sila'y may araw din
balat nila'y tatalupan ng mga magigiting

- gregoriovbituinjr.

Dalit na nagngangalit

DALIT NA NAGNGANGALIT

I
O, bakit nga ba ganito
di nila nirerespeto
ang karapatang pantao
pati na wastong proseso

bulok na sistema'y ngitngit
ang dulot pagkat kaylupit
ngunit di sapat ang galit
karapatan ay igiit

karapatang tinotokhang
ng mga may pusong halang
karapatan na'y pinaslang
nitong mga salanggapang

II
O, kapwa ko maralita
tayo'y magkaisang diwa
at labanan nating pawa
ang mga tusong kuhila

silang mapagsamantala
at mapang-api sa masa
ang sanhi ng pagdurusa
at ng bulok na sistema

halina't sila'y bakahin
at sa palad ay durugin
mapagsamantala'y dalhin
sa kangkungan at ubusin

III
O, hukbong mapagpalaya
dinggin ang tinig ng dukha
kaisa kayo ng diwa
sa pagbaka sa kuhila

tayo na'y magkapitbisig
sa pagsagip sa daigdig
ang mapang-api'y mausig
sila'y tuluyang malupig

- gregbituinjr.

* Dalit - katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2020, pahina 20.

Linggo, Agosto 30, 2020

Ang makatang Cirilo F. Bautista at ako

ANG MAKATANG CIRILO F. BAUTISTA AT AKO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binasa ko ang talambuhay ng makata't manunulat na si Cirilo F. Bautista, pambansang alagad ng sining para sa panitikan ng ating bansa. Iginawad sa kanya ang pagiging national artist for literature noong 2014. Nakabili ako ng kanyang dalawang aklat noon, ang Sugat ng Salita, at ang Kirot ng Kataga, mga orihinal, bago ko pa mabili sa UP Bookstore ang pinagsamang aklat na iyon.

Una ko siyang nakilala noon dahil kolumnista siya ng Philippine Panorama, kung saan tinatalakay niya noon ay hinggil sa English poetry o mga tula sa Ingles. Nang binasa ko ang kanyang talambuhay, nakita kong may munti kaming pagkakapareho, dahil kapwa kami mula sa Sampaloc, Maynila, manunulat at manunula.

Ayon sa pananaliksik, si Bautista ay isinilang sa Maynila noong Hulyo 9, 1941, at lumaki sa Balic-Balic, Sampaloc. Tulad ko, ipinagbuntis ako ng aking ina sa Washington St. (ngayon ay Maceda St.), sa Sampaloc,  hanggang ako'y isilang, hanggang lumipat kami sa Honradez St., sa Sampaloc. Nag-aral siya ng elementarya sa Legarda Elementary School sa Sampaloc, habang ako naman ay sa Nazareth School sa Sampaloc.

Pareho rin kaming nag-aral sa paaralang pinangangasiwaan ng mga paring Dominikano, mga paaralang umabot na sa ika-400 anibersaryo. Siya'y nag-aral ng AB Literature sa University of Santo Tomas, na tinatag noong 1611, habang ako naman ay nagtapos ng high school sa Colegio de San Juan de Letran, na tinatag noong 1620. 

Matapos siyang magtapos bilang magna cum laude sa UST noong 1963, inimbitahan siya ng isa niyang kaibigan na magturo sa Lungsod ng Baguio, sa St. Louis University. Nagturo siya roon ng limang taon, at doon din niya tinapos ang kanyang Masters Degree in Literature bilang magna cum laude noong 1968. Nang umalis siya sa Baguio, siya'y nagturo naman sa UST at sa De La Salle University.

Nakatapos siya ng AB Literature, habang ako naman ay nagtapos ng anim na buwang poetry workshop sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002.

Nito lang, mga dalawang taon na matapos kaming ikasal ni misis (tatlong beses ikinasal - civil wedding sa Tanay, Rizal, at tribal wedding - at church wedding sa Nasugbu, Batangas), ay naging malimit ang pagpunta ko sa Lungsod ng Baguio dahil sa aking asawa. At nito ngang kwarantina dahil sa pananalasa ng COVID-19 ay dito kami sa malapit sa Lungsod ng Baguio nanirahan, pagkat may bahay sina misis sa katabing bayan ng Baguio, sa La Trinidad, Benguet.

Si Bautista ay maraming nalikhang aklat na inilabas ng mga kilalang publikasyon. Ako naman ay nakapaglathala ng aking mga tula at sanaysay bilang aklat sa pamamagitan naman ng pinamamahalaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Marami siyang natanggap na parangal bilang manunulat, at pinakamataas na karangalan na ang magawaran siya bilang National Artist for Literature. Ako naman ay nagkaroon ng apat na beses na pagkilala mula sa Human Rights Online Philippines, una, noong 2010, dalawang beses noong 2016, at noong 2019, dahil sa aking mga akda hinggil sa karapatang pantao.

Nang siya'y mamatay noong Mayo 6, 2018, kasalukuyan akong nasa Bontoc, Mountain Province, kasama si misis. Kagagaling lang namin noon sa lugar nina misis, kung saan sa kanilang lumang bahay ay nahalungkat ko ang mga lumang kopya ng Philippines Free Press. At nilitratuhan ko ang mga tula sa bawat isyung naroroon, at nahalungkat ang ilang mga lumang tula nina Cirilo F. Bautista at Eman Lacaba.

Mula Sampaloc, Maynila, tungo sa Lungsod ng Baguio, may pagkakapareho kami ni Cirilo F, Bautista, at pareho rin kaming makata at manunulat.

Gayunman, malayo pa ako kumpara sa kanya, pagkat National Artist na siya, habang ako naman ay patuloy pa ring nagsusulat sa ngayon sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mula sa maraming pasulatan tulad ng magasing Tambuli at pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa, tanging Taliba ng Maralita na lang ang aking pinagsusulatan. Marahil ay maaabot ko rin ang naabot ni Cirilo F. Bautista, subalit hindi ko na iyon pinapangarap, pagkat malayong-malayo ako sa kanya.

Basta siya'y iniidolo ko bilang manunulat at makata. At ngayon ay patuloy akong kumakatha ng mga tula, habang paminsan-minsan ay may mga sanaysay at maikling kwento. Susubukan ko pang makalikha kahit ng isang nobela sa tanang buhay ko.

Tila magtatagal pa ako dito sa Benguet. Kung si Cirilo Bautista ay tumagal sa Lungsod ng Baguio, na siyang kapital ng Benguet, ng limang taon bago bumalik ng Maynila, ako kaya'y tumagal din ng limang taon dito sa Benguet? Kung sakali man, magpapatuloy ako sa aking mga gawain sa karapatang pantao at manggagawa, marahil bilang labor paralegal. O kaya ay magtatayo rito ng Human Rights Center, o sasapi sa human rights center, kung meron man, sa Baguio. Gayunpaman, mukhang matagal pa ang pananalasa ng coronavirus kaya dito na muna ako marahil sa Benguet, kasama ng aking asawa.

Ginawan ko ng isang soneto si Cirilo Bautista, na hindi ko man lang nakadaupang palad, noong Disyembre 29, 2018. Ang soneto, o tulang may labing-apat na taludtod, ang tingin kong angkop dahil kung bibilangin ang letra ng kanyang pangalan at apelyido ay labing-apat na titik. Di ko na isinama ang kanyang middle initial upang eksakto sa soneto. Halina't tunghayan natin ang tula:

SONETO ALAY KAY SIR CIRILO F. BAUTISTA, 
PAMBANSANG ALAGAD NG SINING SA PANITIKAN

Cirilo Bautista, pambansang alagad ng sining
Idolo ka sa panitikan, kayhusay, kaygaling
Ramdam namin ang mga katha mong may suyo't lambing
Ikaw yaong sa panulat ng marami'y gumising.

Laking Sampaloc, Maynila, mahusay na makata
O, Cirilo, inidolo ka sa bawat mong likha
Baguio'y tinirahan din, naging guro sa pagkatha
Ang kolum sa Panorama'y kinagiliwang sadya.

Umpisa pa lang, akda mo'y nakapagpapaisip
Tulad ng Kirot ng Kataga, di agad malirip
Isinaaklat na katha mo'y ginto ang kalakip
Sugat ng Salita pag ninamnam, may nahahagip.

Tunay kang alagad ng sining, Cirilo Bautista!
Ang mga lakang akda mo sa bayan na'y pamana.

Mga pinaghalawan:
https://www.manilatimes.net/2018/05/07/news/top-stories/national-artist-cirilo-f-bautista-76-2/397305/
https://en.wikipedia.org/wiki/Cirilo_Bautista
https://www.rappler.com/life-and-style/arts-and-culture/202045-poet-cirilo-bautista-baguio-city-muse




Palaisipan

muli akong bumili ng mga palaisipan
upang may libangan naman sa oras ng kawalan
kaysa sa kisame'y laging nakatunganga na lang
baka malundagan lang ng butiki sa bumbunan

may pinapala ang isipan sa tigang na lupa
habang nasa laot ang lalim ng mga salita
maraming mababatid ang malikot na diwa
nakararahuyo kahit na dama'y walang-wala

sa palaisipan ay ating hasain ang isip
may mga salitang di mo batid na mahahagip
subalit may bokabularyong di mo pa malirip
gayunman, nalibang na, natuto pa't di nainip

kinse pesos ang isang libretong palaisipan
bawat isa'y dalawampu't pitong krosword ang laman
sa apat na libreto'y tiyak kang masisiyahan
pagkat higit sandaang krosword ang masasagutan

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Agosto 29, 2020

Pasasalamat sa mga grupong pampanitikan

maraming salamat sa inyong tumanggap sa akin
dito sa bunying grupong di ko sukat akalain
pagkat ang mga kasapi'y pawang manunula rin
asahan n'yong patakaran dito'y aking tutupdin

di ko man hangarin ang malaki ninyong paglingap
ngunit laking pasalamat kahit munting pagtanggap
nais kong matuto sa mga tulang masasagap
upang ang iwi kong buhay ay di aandap-andap

lalo na't nananalasa pa ang coronavirus
na di natin malaman kung kailan matatapos
maraming nawalan ng trabaho't pawang kinapos
O, laksa-laksang buhay ang dinaanan ng unos

muli, maraming salamat sa bunying grupong ito
tinanggap ang tulad ko't kapwa karaniwang tao
sa ating nalikhang tula'y magbahaginan tayo
at payabungin pa ang panitikang Pilipino

- gregoriovbituinjr.
09.29.2020

* Handog na tula sa mga grupong pampanitikan sa facebook na sinalihan ng makata, na ipinadala rin niya sa mga grupong ito.

Biyernes, Agosto 28, 2020

Kahalagahan ng edukasyon, ayon sa awit

may awit: "Kung natapos ko ang aking pag-aaral"
na ang dugtong: "Disin sana'y mayr'on na akong dangal"

at sa isa pang awit: "Grade One lang ang inabot ko"
na ang karugtong ay malungkot: "No read, no write pa 'ko"

isa pa: "Sabi n'ya'y Freddie, mag-aral kang mabuti"
dinugtong ay payo: "Tulungan mo ang 'yong sarili"

samutsaring awitin tungkol sa kahalagahan
ng edukasyon para sa ating kinabukasan

na kung may pinag-aralan ka raw at nakatapos
ay tiyak kang uunlad, pamilya'y makakaraos

mga aral o payo ng mga klasikong awit
tila inihahanda tayo sa buhay na gipit

paano haharapin ang kagipitan sa dilim
upang di maghirap at mangunyapit sa patalim

mag-aral kang mabuti upang gumanda ang buhay
mag-aral upang sa kapitalista'y umalalay

mag-aral upang maging manggagawa sa pabrika
mag-aral upang makapag-ambag sa ekonomya

mag-aral bakasakaling sa hirap ay masagip
ang abang pamilya mula sa sinturong kaysikip

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Agosto 27, 2020

Larong numero palito

nag-download ako sa selpon ng laro sa numero
ang isang nakita ko'y parang larong Pilipino
na ginagamit ay mga palito ng posporo
nakaayos na palito'y tanong na iwawasto

ikakamada muna yaong palito sa lupa
pagmasdan mo't may tanong doon, suriin mong kusa
isang palito lang ang iurong upang tumama
dito sa selpon ay numero naman ang ginawa

tulad naman sa calculator ang numero doon
gayon ding panuntunan, isang guhit ang iurong
upang maitama mo ang mga maling ekwasyon
gamit ang iyong lohika, adisyon at subtraksyon

tara, isip-isip, bawat ekwasyon ay titigan
suriin mong mabuti't iyo ring masasagutan
i-download ang Math Games sa selpon at masisiyahan
pampatalas na ng isip, maganda pang libangan

- gregbituinjr.



Miyerkules, Agosto 26, 2020

Himutok ng isang kakilala

ayokong maging tuod na animo'y walang malay
na pinatigil maglingkod sa bayan, parang bangkay
ano na ako? tropeyong naka-displey sa bahay?
gayong ako'y tibak na may prinsipyo't misyong taglay

dahil sa lockdown ay di makahanap ng trabaho
upang sana'y makaamot kahit kaunting sweldo;
nawalan nga ng trabaho'y milyon-milyong obrero
ako pa bang walang sahod ang siyang magtatampo?

ayoko nang maging tuod, ako'y aktibong tibak
na gagawin ang kaya kahit gumapang sa lusak
gagawin ang anuman sa laban man mapasabak
huwag lang maging tuod na sarili'y hinahamak

aalis ako upang tupdin ang mga pangarap
di na dapat maging tuod, dapat may nagaganap
na kahit kamatayan man ang aking makaharap
di ako papayag na pagkatuod ang malasap

- gregbituinjr.

Paggawa ng sariling face shield

nais kong maitaguyod ang pagkamalikhain
kaya ako'y gumawa ng face shield na gagamitin
mula sa boteng plastik na ibabasura lang din
tipid na, sa kalikasan pa'y nakatulong ka rin

bakit nga ba bibili ng face shield na ang halaga
ay katumbas na ng ilang kilong bigas sa masa
gayong may malilikha naman mula sa basura
na epektibo ring gamitin ngayong kwarantina

halina't paganahin ngayon ang creativity
at makakagawa ka rin ng face shield mong sarili
linisin, gupitin, ayusin, di ka magsisisi
ang mahalaga, binasura'y mayroon pang silbi

sa ngayon nga'y ito ang aking itinataguyod
ambag ko sa kapwa ngayong walang kita o sahod
kaunting diskarte lang, di gaanong mapapagod
pag nakagawa ng face shield, tiyak kang malulugod

- gregbituinjr.
09.26.2020

Ang nais ko sa kapaskuhan

Nagwi-wish din sa shooting star ang isang Bituin
ang munting tula kong handog sana'y inyong namnamin:

I
panlipunang hustisya ang sa Pasko'y aking nais
at ang masa'y di na sa kahirapan nagtitiis

II
magkaroon ng laman ang katawan kong manipis
at ang mutya kong asawa'y tuluyan nang mabuntis

III
sa Noche Buena't Pasko'y walang pagkaing mapanis
alagaan ang ngipin, huwag pulos matatamis

IV
sa karapatang pantao'y simple lang ang aking wish
na ang kulturang tokhang ay matapos na't magahis

- gregbituinjr.
* ito'y tugon ko sa isang kasamang nagtanong sa facebook kung anong wish ko sa kapaskuhan

Ako na'y lilisan

aalis ako upang liparin ang kalawakan
upang sa planetang Mars ay magtungo nang tuluyan
baka sa planetang iyon ay may kapayapaan
ng puso't isip, at pansamantalang pahingahan

aalis akong sisisirin ang lalim ng laot
magtungo sa Atlantis na di ko pa naaabot
at baka doon ko matagpuan ang mga sagot
sa mga bugtong at talinghagang masalimuot

aalis ako't itutuloy ang pakikibaka
tatawid sa mga bundok at ulap sa umaga
upang mamagitan din sa mulawin at rabena
upang gapiin ang leyon at kamtin ang hustisya

lalakbayin ko ang lamig ng nanunuksong gabi
upang di sagilahan ng lagim na sumakbibi
habang sa bayan ay patuloy pa ring nagsisilbi
upang matingkala ang pangarap na sinasabi

aalis na ako upang tuluyang sumagupa
sa karima-rimarim na dambuhala't sugapa
susubukan kong putulin ang gintong tanikala
na sa bayan ko'y yumurak sa dignidad ng madla

- gregbituinjr.

Pag-ibig ang sasagip sa sangkatauhan

"Love is the only way to rescue humanity from all ills." - Leo Tolstoy wrote to Mahatma Gandhi

pag-ibig ang tanging sasagip sa sangkatauhan
mula sa anumang pasakit na nararamdaman
pag-ibig na sanhi ng maraming kaligayahan
pagsinta'y sanhi bakit hustisya'y pinaglalaban

pagsintang sanhi upang harapin ang mapanghamak
at sanhi upang mapasagot ang mutyang bulaklak
pag-ibig na ang ibinunga'y laksa-laksang anak
na upang mapag-aral sila'y gagapang sa lusak

pag-ibig ang dahilan kung bakit nakikibaka
kaya di lang pulos galit ang dama na sistema
pag-ibig sa masa't bayan kaya may aktibista
pagkilos nila'y pagsinta, ayon kay Che Guevara

O, at labis daw ang kapangyarihan ng pag-ibig
ani Balagtas na puso'y kay Celia pumipintig
pag-ibig ang bubuo sa makataong daigdig
kaya sa uring manggagawa'y nakikapitbisig

bunying nobelistang si Tolstoy kay Gandhi'y sumulat
pag-ibig ang sasagip sa sangkatauhang lahat
mula sa anumang sakit na sa mundo'y nagkalat
isang aral itong sa puso't diwa'y siniwalat

- gregbituinjr.

Martes, Agosto 25, 2020

Face shield mula sa boteng plastik

maraming materyales na maaaring gamitin
ngayong kwarantina'y dapat ding maging malikhain
may malaking boteng plastik na naabot ng tingin
isinukat ko sa mukha, tila ito'y kasya rin

sayang ang boteng plastik, nasa basurahan na nga
nang matitigan ko'y biglang may kumislap sa diwa
kinuha ko ang gunting, nasa isip ko'y ginawa
hinati ko sa gitna, dalawa ang malilikha

lalagyan ko ng lastiko sa magkabilang gilid
lilinisin ko ito't nakagawa na ng face shield
malikhaing kontribusyong di ko agad nabatid
mula sa basurahan ay inobasyon ang hatid

aba'y wala pang gastos, maging malikhain lamang
kung may sirang boteng plastik, baka magamit naman
kaysa bumili ng face shield, sa paligid hanap lang
baka may materyales na itatapon na lamang

kunin ang anumang maaari mo pang magamit
pambili ng faceshield, sangkilong bigas ang kapalit
ito'y munting payo ko rin sa kapwa nagigipit
baka may matulungang sa patalim kumakapit

- gregbituinjr.

Pag-iipon muli ng plastik

kinuha ko sa basurahan at aking nilinis
yaong mga basurang plastik na pagkaninipis
pinili ko't ibinukod yaong plastik ng hapis
na pag napunta sa laot, isda'y maghihinagpis

nilagay ko sa tubig, sinabunan ko't kinusot
binanlawan ko't isinampay, pinatong sa bakod
ilang oras patuyuin, habang sa ulo'y kamot
kayraming plastik na di sana mapunta sa laot

pag natuyo, saka ko isa-isang gugupitin
sukat na isa o dal'wang sentimetro'y ayos din
sa malinis na boteng plastik ay isuot na rin
at ang bote'y punuin ng plastik at patigasin

hangga't may plastik, mananatili na itong layon
na gagawa ng ekobrik, ito'y malaking hamon
upang sagipin ang kalikasan, di makalulon
ng sangkaterbang plastik, ito'y isa ko nang misyon

- gregbituinjr.

Paglilipat ng itinanim

inilipat ko ang tanim mula sa boteng plastik
dahil lumago na ito't ugat na'y sumisiksik;
ang ilalim ng boteng plastik ay aking ginupit
nang tanim ay malipat ko sa paso, ang naisip

ang paso ang bagong bahay ng tanim na halaman
at sana'y tuluyang lumago sa bagong tahanan;
ang paraan ng urban farming pag naunawaan
ay malaking bagay na para sa kinabukasan

dalawang buwan makalipas itanim ni misis
ay lumago na rin ang sibuyas sa boteng plastik
lagi ko itong binibisita upang madilig
na animo'y nagdidilig din ako ng pag-ibig

sana'y tuluyang magbunga ang sibuyas na iyon
at pagsikapang maparami iyon pag naglaon
tulad ng pagsintang inaalagaan maghapon
at magdamag ay makamit ang bungang nilalayon

- gregbituinjr.

Hanap ko'y bagoong Balayan

limang buwang mahigit sa malamig na probinsya
sa norte't bagoong Balayan ay di natikman pa
na paborito kong sawsawan pag kumakain na
bagoong na pinigaan ng kalamunding, aba

anong sarap ng kain ko, tiyak bundat ang tiyan
aba'y pagkasarap sadya ng bagoong Balayan
na wala naman dito sa malayong lalawigan
buti't may bagoong mula Lingayen, Pangasinan

kaya ito na rin ang binili namin ni misis
at sumarap ang kain ng katawan kong manipis
huwag lang maya't maya, baka sa tiyan lumabis
alagaan pa rin ang kalusugang walang hapis

ang bagoong Balayan ay akin ding matitikman
pag umuwi muli kami ni misis sa Balayan
subalit natitiyak kong ito'y matatagalan
wala man iyon, mahalaga'y may pagmamahalan

- gregbituinjr.

Lunes, Agosto 24, 2020

Pagbabalik-aral sa sipnayan

panahon ng pagbabalik-aral ang kwarantina
ito ang aking napagtanto habang binabasa
ang talambuhay ni Euclid mula Alexandria
at ni Archimedes na bumulalas ng "Eureka!"

dalawang matematisyang parehong mga bantog
na nag-ambag sa sipnayan, sa mundo'y inihandog
ang mga akda nila'y balak kong isa-Tagalog
upang mga iyon sa bayan ko'y pumaimbulog

geometriya'y paksang pamana nila sa atin
na pinaunlad pa nila upang magamit natin
kanilang akda'y di naman mahirap unawain
baka mas mapadali pa pag aking naisalin

isasalaysay kong patula ang kanilang gawa
na nais kong iambag sa panitikang pambansa
sunod ay si Pythagoras na isa ring dakila
na akda't buhay niya'y tutulain ko ring kusa

- gregbituinjr.

Pagpapanday ng hindi karpintero

inaamin ko, ako'y di bihasang karpintero
o marahil nga'y talagang di ako karpintero
bukod sa lakas, lohika ang kailangan dito
tama ba ang sukat? martilyo't pako ba'y kumpleto?

ito ang napagtanto ko sa ganitong gawain
sa paglalagari'y mag-ingat, huwag madaliin
tiyaking nilagari'y di baluktot, puliduhin
bisagra'y ikabit, pait ba'y paano gamitin?

dapat plano mo'y nakabalangkas na sa isipan
o idrowing mo sa papel upang mapag-aralan
ito'y gabay pag pagkakarpintero'y sinimulan
di man karpintero'y maganda ang kalalabasan

magandang danas ang magpanday ngayong kwarantina
ginagawa man ay kulungan ng manok o silya
paglagay ng seradura sa pinto ng kubeta
pag-ayos ng marupok na estante o lamesa

kahit matanda na, pagkakarpintero'y aralin
at sa mumunting bagay man, nakakatulong ka rin
kung marupok na ang silya mo'y alam ang gagawin,
at ako naman ay may bagong paksang tutulain

- gregbituinjr.

Linggo, Agosto 23, 2020

Pagsakay sa eroplano't paglalakbay

ang eroplano'y inimbentong tinulad sa ibon
na sa himpapawid ay nakalilipad din iyon
di nagawa ni Icarus na makalipad noon
at nagawa ng Wright Brothers ang kanilang imbensyon

nakakatuwa ang eroplanong inihahatid
itong tao sa pamamagitan ng himpapawid
nararating ang ibang bansa, walang nalilingid
marami kang nakakasalamuha't  nababatid

aba'y narating ko nga ang ibang bansa sa Asya
tulad na lang ng bansang Japan, Thailand, Burma't Tsina
habang narating ko rin ang malamig na Europa
lumahok din sa Climate Walk at naglakad sa Pransya

sa maliit na eroplano'y sumakay din naman
galing Davao, Cebu, Cagayan de Oro, Palawan
dahil sa mga isyung karapatan at kalikasan
bilang tibak na hangad ay makataong lipunan

pasaporte ko na'y paso, di muling makasakay
sana'y may pagkakataon muling makapaglakbay
upang mga adbokasya'y mataguyod kong husay
sa tagaibang bansa't tupdin ang prinsipyo't pakay

- gregbituinjr.

Naabot din ang 1,000 sudoku

Naabot ko rin ang 1,000 sudoku games na na-download ko mula sa internet. Bukod sa math games ay sudoku ang aking palipasang oras pag di nagsusulat. Dahil nakasanlibong nasagutang sudoku, napatula ako:

NAABOT DIN ANG SANLIBONG SUDOKU

isang libong sudoku na rin ang aking naabot
na kinagiliwang laro sa selpon at nasagot
di lang pulos numero kundi lohika ang dulot
kaysarap nitong laruin at di ka mababagot

may arawan, bawat petsa, ang aking nasagutan
daily sudoku na umabot higit walong daan
maaaring pumili ng lebel na pahirapan
custom sudoku, na umabot higit isang daan

noon, binibili ko'y mga libretong sudoku
may manipis, may makapal na akala mo'y libro
maraming perang ginugol, makabili lang nito
dahil sa lockdown, sa internet na'y nag-download ako

bukod sa pagsulat, pagtanim, at gawaing bahay
bukod sa pagbabasa ng anuman, pagninilay
ang pagsagot ng sudoku ang nilalarong husay
kaya ang sanlibong sudoku'y ganap nang tagumpay

- gregbituinjr.
08.23.2020

Mabuti pang maging frontliner kaysa maging tuod

iniisip ko, mabuti nang mamatay sa COVID
kaysa parang tuod sa bahay, sa dilim nabulid
buti pang maging frontliner pag buhay ko'y napatid
kaysa parang uod lang sa tae, nanlilimahid

sana'y maging frontliner sa panahong kwarantina
kaysa parang tuod na nakatulala tuwina
sana'y makatulong pa rin sa problema ng masa
lalo't ako'y tibak, sagad-sagaring aktibista

kahit sana tagabalot ng mga ibibigay
na relief goods, basta maging frontliner na ring tunay
kaysa laging tititig sa kisame't nagninilay
baka lundag lamang ng butiki ang ikamatay

kung mamamatay ako dahil sa coronavirus
ayos lang basta naging frontliner din akong lubos
kaysa isang tuod, stay-at-home, parang busabos
buti pang naging frontliner na tuloy sa pagkilos

buti't di pa ako nagkakasakit hanggang ngayon
ngunit ayokong maging tuod na pulos lang lamon
sana'y maging frontliner na may gagawin maghapon
kaysa maging langaw sa tae, ayoko ng gayon

- gregbituinjr.

Ang pagbabalik sa tunay na ako

oo, nais ko nang bumalik sa tunay na ako
di tulad ngayon na tila ako'y isang anino
dusa't ligalig itong dama sa payapang mundo
esensya ng buhay ay di ko maramdaman dito
sa malayong probinsyang tila baga sementeryo

walang naitutulong sa laban ng maralita
gayong sekretaryo heneral ng samahang dukha
di rin nakakalahok sa laban ng manggagawa
dahil kwarantina pa't sa bahay lang naglulungga
nagninilay ng anuman, laging naaasiwa

dapat gumising na sa matagal kong pagkaidlip
ayokong maging pabigat kahit sa panaginip
tila uod ako sa taeng ayaw mong mahagip
tila damong ligaw ako sa gubat na kaysikip
kung sino ako'y balikan, nang sarili'y masagip

di ako ito, na isang anino ng kahapon
tila ako'y isang multo, kailan ba babangon
sa kwarantina'y nalulunod, paano aahon
nais ko nang bumalik sa kung sino ako noon
makilos na tibak, may adhika, prinsipyo't layon

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 22, 2020

Misyon kong pageekobrik

gawain ko'y di pa matatapos hangga't may plastik
ipon ng ipon, gupit ng gupit ng mga plastik
bawat nagupit ay isisilid sa boteng plastik
ang di ko na lang magupit ay mga taong plastik

ito na'y misyon at tungkulin ko sa kalikasan
tipunin ang mga plastik doon sa basurahan
paunti-unti man, nang di mapunta sa lansangan,
ilog, karagatan, landfill, iyang plastik na iyan

patuloy pa akong nageekobrik hanggang ngayon
upang kalikasan ay di malunod o mabaon
sa sangkaterbang plastik na sa mundo'y lumalamon
ngayong lockdown ay plastik ang uso't napapanahon

isang aral mula sa Kartilya ng Katipunan
gugulin ang buhay sa malaking kadahilanan
di kahoy na walang lilim o damong makamandag
at pageekobrik ay malaki ko nang dahilan

- gregbituinjr.

Pagpupugay kay Lorraine Pingol

Pagpupugay kay Lorraine Pingol

tinulungan niyang manganak ang isang babae
na napairi sa isang bangketa sa Makati
di na nagdalawang-isip ang nars na anong buti
isang nars na may puso, at tunay ang pagsisilbi

kayganda pa ng kanyang sinabing makabuluhan
anya, "May sinumpaan kami, 'yung 'Good Samaritan'.
"Whenever you are," tutulong ka saanman, sinuman
"kahit outside of work ka, kapag may nangailangan"

"in the name of humanity," gagawin ang adhika
"you have to help because you're a nurse," tunay kang dakila
maraming salamat, Lorraine Pingol, sa 'yong ginawa
kayganda ng iyong ipinakitang halimbawa

wala man sa trabaho o pauwi na sa bahay
ikaw ay isa pa ring nars na may tungkuling taglay
kaya sa iyo, Lorraine Pingol, mabuhay, mabuhay!
sa maganda mong halimbawa, kami'y nagpupugay

- gregbituinjr.
08.22.2020

* balita't litrato mula sa fb ng ABS-CBN News, 08.20.2020

Biyernes, Agosto 21, 2020

Matutulog ng gutom

minsan, matutulog na lang akong gutom na gutom
may pagkain man, pipikit na akong nakakuyom
ang kamao, may alalahanin, bibig ko'y tikom
tutulog ng mahimbing, walang kain, walang inom

paano ka ba makakakain kung walang sigla
ang matamis na sorbetes, lasahan mo't mapakla
sugat-sugat ang damdamin pag dama'y walang-wala
ito'y itulog na lang at baka mabalewala

sa panahon ng kwarantina'y walang mapasukan
maging frontliner lang sana'y nakatulong sa bayan
gawa ko'y magsulat ng mga isyung panlipunan
ngunit bisyo kong pagtula'y di mapagkakitaan

matutulog akong gutom kahit may makakain
habang nakabara'y pulos tinik sa saloobin
tititig sa ulap, magninilay, anong gagawin
matulog na muna't baka gumaan ang damdamin

- gregbituinjr.

Ang magtrabaho para sa sahod

ako'y magtatrabaho muli para na sa sahod
imbes na sa uri't bayan, sa iba maglilingkod
upang buhayin ang pamilyang itinataguyod
sistema'y ganito't sa kapitalista luluhod

isipin na lang ito'y panahon ng COVID-19
kayraming nawalan ng trabaho't di makakain
kayraming nagdurusa't kumapit na sa patalim
ganito ba ang esensya ng buhay? nasa dilim?

aplay ng aplay gayong wala namang mapasukan
pag nalamang tibak o dating tibak, tatanggihan
tila ako'y aninong naglalakbay sa kawalan
nanalasang COVID ay kayraming pinahirapan

marahil mag-aplay na muna ako sa N.G.O.
na ipinaglalaban ang karapatang pantao
o sa mga samahang nagtatanggol ng obrero
doon sa mga sang-ayon sa aking aktibismo

- gregbituinjr.

Huwebes, Agosto 20, 2020

Nasa aking dugo ang pagiging Katipunero

nasa aking dugo ang pagiging Katipunero
kaya tinataguyod ang lipunang makatao
at nakikibaka kasama ang dukha't obrero
nang pinaglalaban ay tiyaking maipanalo

ang Kartilya ng Katipunan nga'y sinasabuhay
pati akdang proletaryo'y inaaral ding tunay
"Iisa ang pagkatao ng lahat" ay patnubay
na sinulat ni E. Jacinto upang maging gabay

ako'y makabagong Katipunero't aktibista
aktibong kumikilos tungo sa lipunang nasa
lipunang walang pang-aapi't pagsasamantala
upang tiyaking mabago ang bulok na sistema

ang pagiging Katipunero'y nasa aking dugo
dukha't manggagawa'y kasangga sa tuwa't siphayo
iwing buhay na'y inalay, dugo man ay mabubo
nang lipunang makatao'y tiyaking maitayo

- gregbituinjr.

21 makasalanan / 21 kasalanan

21 MAKASALANAN / 21 KASALANAN dalawampu't isang solon yaong pinangalanan sa flood control scam ngayo'y iniimbestigahan manyak na may...