DALAWANG PANDESAL AT TUBIG LANG
dalawang pandesal at tubig lang
ang kinain kaninang agahan
gayon na rin sa pananghalian
habang walang salapi'y tiis lang
hanap muli ng matatrabaho
kahit na kaunti lang ang sweldo
basta may mapambili lang ako
sa bawat araw, bawat minuto
tagamasa man sa panaderya
magdidyanitor sa opisina
tagahugas man sa karinderya
kahit tagalikom ng basura
subalit ayaw akong tanggapin
pag resumé ko na'y nabasa rin
sila daw pala'y takot sa akin
baka obrero'y organisahin
may panahong ganito ang buhay
na dilim ang iyong masisilay
habang yaring buhay na'y inalay
nang kabuluka'y labanang tunay
naubos na lahat ng naipon
di pa uli kumikita ngayon
sa pagkatha't pagsusulat doon
at dito na talaga kong layon
kaya, heto, nganga lang talaga
kaya pandesal at tubig muna
pinagkakasya ang nasa bulsa
ngunit tuloy ang pakikibaka
umaasa pang makakahanap
ng pagkakakitaan kong ganap
nakikibaka pa't nangangarap
Spartan pa rin kahit maghirap
- gregoriovbituinjr.
09.25.2025